John Lloyd, Bea bibida sa bago at napapanahong love story 

John Lloyd-Bea 

HASHTAG #ExcitedMuch ang mga fans nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo!

Sa gitna ng patuloy na pakikipaglaban ng buong mundo sa COVID-19 pandemic at habang naka-enhanced community quarantine pa rin ang buong Luzon, may pampa-good vibes at pakilig namang hatid ang tambalang John Lloyd-Bea.

Hanggang ngayon ay marami pa rin ang umaasa na muling magkakatambal sa isang project ang dalawang Kapamilya stars, lalo na ang mga die hard fans nina Basha at Popoy — ang iconic characters nina Lloydie at Bea sa mga pelikulang “One More Chance” at “A Second Chance.”

At kagabi nga, biglang nabuhayan ang loob ng fans matapos mag-post sa Instagram sina John Lloyd at Bea ng patikim sa susunod nilang proyekto kung saan posibleng maka-collaborate nila sina Direk Antoinette Jadaone at Dan Villegas.

Narito ang mensaheng ibinahagi ng magka-loveteam sa kani-kanilang IG page: “Over the next week, we will be performing a work of fiction on Instagram. 

“It is a love story and it is about these times. Any resemblance to persons, living or dead, is intentional.”

Ginamit pa nila ang hashtag na #unconfinedcinema at naka-tag nga ang dalawang direktor na nag-post din sa IG ng kaparehong announcement. Wala pa silang ibang detalyeng idinagdag tungkol dito.

Kung matatandaan, huling nakitang magkasama sina John Lloyd at Bea noong Feb. 14 nang gawin nila ang  live script reading ng blockbuster indie movie na “That Thing Called Tadhana” na pinagbidahan nina Angelica Panganiban at JM de Guzman.

Ang nasabing live script reading ang first major public appearance ni Lloydie makalipas ang mahigit dalawang taong pamamahinga sa showbiz.

Read more...