Kapatid na nurse ni Marvin sa Canada hirap na hirap: Naiiyak ako bago pumasok…

 

MARVIN AGUSTIN

“KUMUSTAHIN n’yo mga kamag-anak n’yo lalo na kung nasa health/medical industry sila…palakasin n’yo loob nila.”

Yan ang paalala ni Marvin Agustin sa lahat ng Pinoy na may kapamilya o kaibigang frontliners o healthcare workers lalo na yung mga nasa ibang bansa.

Isa ang actor-restaurateur sa mga celebrities na may mga kaanak na medical frontliners sa Canada at halos araw-araw ay kinukumusta nila ito para palakasin ang loob at iparamdam ang kanilang pagmamahal sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa kanyang Twitter account, ibinahagi ni Marvin ang palitan nila ng message ng kanyang kapatid na nurse na may caption na, “I checked on my sister, she’s a nurse in Canada. ‘Yan ang text back niya.

“’Hirap na hirap’ — sila first-world [country] pa ‘yun. Lalo na mga kababayan natin dito… Mahalin at kamustahin n’yo mga kamag-anak n’yo lalo na kung nasa health/medical industry sila. Palakasin n’yo loob nila,” lahad ng aktor.

Inamin din kay Marvin ng kapatid na inaatake rin siya ng matinding lungkot kapag nasa trabaho na at nakikita na ang kalagayan ng mga COVID-19 patients.

“Pagod lagi sa trabaho, hindi lang physical. Mababa din ang morale sa workplace ko even before COVID pa naman.

“Worse pa ngayon. For the past two days, naiiyak ako tuwing bago pumasok. But as soon as I get to work, mukhang okay lang ako.

“This pandemic is making me really think hard. I won’t quit work now,” mensahe pa ng sister ni Marvin.

Sa isa pa niyang tweet, muling sinaluduhan at pinuri ni Marvin ang lahat ng medical frontliners sa buong mundo kasabay ng muling paalala sa publiko na manatili na lang sa bahay hanggang sa katapusan ng extended enhanced community quarantine.

 “Grabe dusa at sakripisyo nila. Grabe ang panganib sa buhay nila. Gusto na nila sumuko pero ‘di nila gagawin para sa atin.

“Sa mga kayang manatili sa bahay, please stay home. ‘Wag na nating dagdagan ang bigat na nararamdaman nila,” mensahe ng actor-businessman.

Read more...