IPINAGMALAKI ni Health Secretary Francisco Duque III na isa ang Pilipinas sa pinakamababang kaso ng coronavirus disease sa buong mundo matapos na ring ipatupad ang lockdown sa buong Luzon para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
“So’ito lang po ang aking masasabi. At pagka ihahambing po natin ang bilang ng mga may impeksyon sa Pilipinas ay isa po tayo sa may pinakamababa na bilang sa 3,764 po ang bilang as of yesterday,” sabi ni Duque sa public address ni Pangulong Duterte kaninang pasado alas-12 ng hatinggabi.
Idinagdag ni Duque, na bukod sa lockdown, napigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa matapos na rin ang agarang travel ban na idineklara ng gobyerno laban sa China noong Pebrero.
“At ang — ito pong bilang na ito ay lumalabas dalawa ang total case per one million population. Isa po tayo sa pinakamababa,” ayon pa kay Duque.
“At kung ihahambing po natin ang mga mayayamang bansa ay ‘di hamak na malayong-malayo po ang atin ranggo. Kung titingnan po natin ayan po malinaw naman po sa mga listahan na nakalagay po sa COVID world tracker ay isa po tayo sa may mababa na rate of infection,” aniya.
Sinabi pa ni Duque na lumalabas na epektibo ang enhanced community quarantine sa Luzon at travel restriction sa China sa kampanya ng pamahalaan laban sa deadly virus.
“So ito po ang dalawang kadahilanan — pangunahing kadahilanan kung bakit po ang bilang ng COVID infection sa Pilipinas kung ihahambing sa ibang mga bansa ay mababa po talaga,” giit ni Duque.