PAMPALIPAS sa maghapong pagkainip ang panonood ng mga dating pelikula at serye ng ABS-CBN. Ang dami-dami, lalo na ang mga pelikula, napakarami pala naming napalampas.
Napapanahong ipalabas ngayon ang mga proyekto, bihira lang ang live shows ng network, tigil sa pagtatrabaho ang kanilang mga artista.
Hindi na nga siguro alam ng mga personalidad ngayon kung ano ang kanilang gagawin, nagkaroon pa ng ekstensiyon ang enhanced community quarantine, buryong na buryong na ang mga artista ngayon.
Panalo ang mahuhusay magluto na tulad nina Judy Ann Santos at Janice de Belen, nagagamit nila nang husto ngayon ang galing nila sa kusina para sa kanilang pamilya, hindi nila pagsasawaan ang pagluluto dahil ‘yun ang pangalawa nilang propesyon.
Ang mga siguradong naiinip na ngayon ay ang mga artistang walang ibang pinagkakalibangan. Napakahalaga ngayon ng mga maaaring gawin bukod sa paglilinis ng bahay.
Napakalaki ng pakinabang at pasasalamat namin sa HGTV channel dahil natuto kaming gumawa ng mga art bottles, ng mga bulaklak, pati ang pagdidisenyo ng bahay ay du’n din namin napulot ang mga makabagong paraan ng pag-aayos ng kabahayan.
Nu’n ay palagi nating sinasabi na kulang na kulang tayo sa oras para harapin ang mga trabahong bahay. Ngayon naman ay puwede nang pagkainan ang sahig natin sa sobrang linis pero ang dami-dami pa rin nating nalalabing panahon.
Napakabagal ng oras, ang haba-haba ng maghapon, ibang-iba kapag marami tayong ginagawa dahil hindi natin namamalayan ang paglipas ng orasan.