MAPAPANATILI ng aabot sa 6,500 atleta ang kanilang puwesto sa Tokyo Olympic Games na gaganapin sa 2021 matapos ang ipinalabas na bagong qualifying regulations ng International Olympic Committee (IOC) nitong Martes.
Naglabas ang IOC ng panibagong iskedyul ng mga qualifying events para sa Tokyo Games matapos na ma-reschedule ito bunga ng coronavirus pandemic. Isasagawa ang Tokyo Olympics sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8 sa susunod na taon.
Ang panibagong deadline ng qualifying ay sa Hunyo 29, 2021 at ang mga entry lists ay magtatapos makalipas ang isang linggo. Ang mga international sports federations ang siyang mamamahala sa kanilang qualifying procedures.
Marami namang mga sports ang pinapayagan ang mga atleta na mag-qualify sa pamamagitan ng mga resulta ng serye ng events na isinasagawa nito.
Hinikayat din ng IOC ang mga sports federations na humanap ng balanse sa pagitan ng mga atletang malapit nang mag-qualify base sa kanilang 2020 deadlines at pagsiguro na ang mga pinakamahusay na atleta ang lalahok sa Olympic Games sa pagkonsidera sa kanilang ipapamalas sa taong 2021.
Ang anunsyo ng IOC ay nagkumpirma naman sa lumabas na mga ulat kamakailan na papayagan ang mga atletang mapanatili ang kanilang mga puwestong nakuha para sa Tokyo Olympics.