NAGBIGAY ng tatlong buwang moratorium sa pagbabayad ng utang ang Government Service Insurance System.
Inaprubahan ng Board of Trustees ang Resolution No. 42-2020 bilang pagsunod sa Bayanihan to Heal as One Act, ayon kay GSIS President at General Manager Rolando Macasaet.
Wala umanong interes o multa ang hindi agad na pagbabayad sa mga utang sa GSIS ng mga miyembro at pensyonado.
“We hope that this 90-day grace period will give our members some financial relief in these trying times,” ani Macasaet. “We are halting loan deductions in their next month’s pension (in May).”
Maaari ring hindi muna magbayad ang mga may housing loan.
Ang lahat ng may utang sa GSIS ay saklaw ng moratorium maliban sa mga miyembro na in default o hindi nakapagbayad noong Pebrero 29. Itinuturing na in default ang isang nangutang kung anim na buwan na itong hindi nakakabayad.
Nagpalabas na ng memorandum circular ang GSIS sa mga head ng ahensya nito upang maitigil na ang loan deductions sa buwan ng Marso, Abril at Mayo. Itutuloy ang pagkaltas ng mga loan sa suweldo ng umutang sa Hunyo 1.
Nilinaw naman ni Macasaet na tuloy ang pagkaltas ng GSIS premium contributions.