KUNG Malacañang ang tanungin, walang dahilan upang isailalim sa lockdown ang Visayas at Mindanao, hindi gaya ng Luzon na sinasalanta ng coronavirus disease o Covid-19.
Hirit ni presidential spokesman Salvador Panelo, maraming gobernador at mayor sa dalawang rehiyon ang isinailalim na sa quarantine ang kanilang nasasakupan para mapigilan ang pagpasok at pagkalat ng sakit.
“Sa ngayon po makikita natin kahit na ‘yung Visayas hindi masyado naapektuhan sapagkat ‘yung mga gobernador doon, mga mayors nagkaroon sila ng mga sariling lockdown that early nung wala pang infected. Nagla-lockdown na sila kaya walang nakakapasok na meron,” ani Panelo.
“Sa madaling sabi ‘yung Visayas at sa Mindanao depende po sa sitwasyon. (Pero) sa ngayon sa tingin natin ay hindi kailangan,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, tagapagsalita ng Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, na walang planong i-lockdown ang Visayas at Mindanao sa ngayon, pero imo-monitor ang bilang ng mga maysakit doon “araw-araw, linggo-linggo.”