NASAWI ang isang kawal nang tambangan ng mga hinihinalang kasapi ng New People’s Army ang mga sundalong kabilang sa kampanya laban sa 2019-Coronavirus disease (COVID-19), sa Lambunao, Iloilo, Martes ng umaga.
Nakilala ang nasawi bilang si Pfc. Mark Nemis, residente ng Madalag, Aklan, ayon kay Capt. Cenon Pacito, tagapagsalita ng Army 2rd Infantry Division.
Naganap ang insidente sa Sitio Aguilan, Brgy. Panuran, dakong alas-5:45.
Nagpapatrolya ang mga miyembro ng 301st Brigade nang paputukan ng aabot sa 20 rebelde.
Nagsasagawa din noon ng information dissemination laban sa COVID-19 ang mga sundalo, lalo na’t may ilang residente ng Lambunao na ang nagpositibo sa naturang sakit, ayon sa militar.
Kinundena ni Maj. Gen. Eric Vinoya, commander ng Army 3rd ID, ang pag-atake ng mga rebelde.
“Instead of helping our people fight COVID-19 pandemic, these communist-terrorists are taking advantage of the situation to conduct atrocities… They are the ones violating their ceasefire, since they purposely left their lairs in the mountains and went down to the barangays where our troops are doing humanitarian activities,” aniya.
Matatandaan na isang miyembro ng pamilya sa Lambunao ang nagkaroon ng COVID-19, at kamakailan lang ay pinagbabato pa ng mga di kilalang tao ang kanilang bahay.
Samantala, napigilan ng mga tropa ng pamahalaan ang umano’y planong pagpapasabog ng landmine ng mga rebelde sa Calbiga, Samar, at Real, Quezon.
Nakarekober ang mga miyembro ng 46th Infantry Battalion ng apat na improvised landmine sa daang nag-uugnay sa Brgys. Hubasan at Binanggaran ng Calbiga, nitong Lunes.
Sa parehong araw ay dalawang anti-personnel mine at apat na blasting cap naman ang natagpuan ng 1st Infantry Battalion sa Brgy. Llavac ng Real.
Bukod dito’y may narekober din na anim na rifle grenade at smoke grenade sa Brgy. Biga ng Pola, Oriental Mindoro.
Naniniwala ang militar na ang mga pampasabog ay itinanim ng mga kasapi ng NPA para tambangan ang mga kawal na nagsasagawa ng mga aktibidad laban sa COVID-19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.