Nagsagawa ng online memorial ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila para sa tatlong doktor nito na pumanaw.
Sumali si Manila Mayor Isko Moreno sa pagkilala kina Dr. Israel Bactol, Dr. Cenover Nicandro Bautista, at Dr. Domingo Cobarrubias.
Si Bactol ay graduate ng PLM College of Medicine Class of 2011 at pumanaw noong Marso 21. Siya ang unang doktor na namatay mula sa coronavirus disease 2019.
Graduate naman si Bautista ng PLM College of Medicine Class of 2014. Siya ay kabilang sa nasawi sa pagkasunog ng Lion Air medical evacuation flight noong Marso 29.
Si Cobarrubias ay dating consultant ng PLM at namatay noong Marso 26.
Ang online memorial ay inorganisa ni PLM President Emmanuel Leyco. Nag-alay ng panalangin sa tatlo na sinundan ng maikling video.
Nakiramay naman si Moreno at nangako na kikilalanin ng lungsod ang sakripisyo ng mga medical workers.
Hindi naman naitago ni Pastor Romeo Bactol, ama ni Dr. Bactol, ang sakit na nararamdaman nito sa pagpanaw ng anak.
“Napakasakit ng naramramdaman namin, isa siyang napakabuting anak. Saludo po ako sa pagtupad niya sa kanyang tungkulin. Dalangin ko po di masayang ang kanyang paglilingkod at pagmamahal sa kapwa na pinakita niya… Mahirap kami, pero ambisyon niya makatulong sa kapwa. Minsan biniro ko, ang kaibigan mo ang laki na ng naipatayong bahay. Ang sagot sa akin, Tatay, makikita mo, hindi yan ang mahalaga,” ani Pastor Bactol.