Iza COVID-19 survivor: Sabi ko Lord, ito na ba ‘yon, dito na matatapos?

FEELING ni Iza Calzado katapusan na niya noong naka-confine siya sa ospital at nakikipaglaban sa COVID-19.

Hindi lang pala ang killer virus ang tumama kay Iza dahil may iba pang bacteria na natagpuan sa kanyang lalamunan kaya doble pa ang naranasan niyang hirap.

Naikuwento ng Kapamilya actress ang pinagdaanan niyang laban kontra COVID-19 sa Magandang Buhay kanina at aniya, nagsimula ang lahat sa lagnat, ubo at pagkawala ng ganang kumain. 

“Kasi ‘yun ‘yung time na sabi nila limited ‘yung test kit. So parang diyahe kasi baka sabihin nila, ayan ‘yung artista tapos uunahin kasi artista siya. So diyahe talaga ako na ayaw ko na makigulo sa ospital, alam kong maraming mas nangangailangan. Pero sa ganung punto pala, kailangan mo din isipin ang sarili mo,” unang kuwento ng aktres.

Habang naka-confine, nalaman ng doktor na may tumama sa kanyang bacteria sa kanyang lungs, ang acinetobacter baumannii kaya kinailangang niyang mag-take ng malakas na antibiotics.

“Ito po ay hindi COVID. Ito po ay isang bacteria na hindi namin alam kung ‘yun ba ay dala-dala ko na nung pumasok ako sa ospital or it could have been something I got nung pumasok ako sa ospital.

“Hindi pa siya COVID. Siyempre wala pa ‘yung results mo. Hindi pa agad-agad. The minute you get to the hospital, they will start treating you for COVID. So kumbaga, day 3, nagco-COVID meds na ako. 

“Sa totoo lang, kung COVID lang ang binattle ko, mahirap siya pero mas lumala dahil dito sa bacteria. Dalawa na ‘yung nilalabanan kasi nasa lungs ko din ‘yung bacteria,” paliwanag ni Iza.

Patuloy pa niya, “Hindi nila alam if (bacteria sa lungs) is the one causing your pneumonia or is it COVID. Naka-COVID medications na ako pero nung dumating ito, they had to give me matitinding antibiotics. 

“Umabot sa point na tatlo na ‘yung iniinom ko pero ‘yung isa, I had a very bad reaction. Hindi ko naramdaman ‘yung bunganga ko, mouth, lips, tongue,” pahayag pa ng aktres.

Ayon pa kay Iza, napakarami niyang na-realize habang nasa ospital siya, “May moment talaga na akala ko ito na kasi hindi ako makahinga. Sabi ko, Lord, ito na ba ‘yon? Parang, ito na ‘yun, this is how it ends. 

“Tapos naisip ko lahat ng pinagdaanan ko sa buhay, which is quite interesting as well. So sabi ko parang ang dami kong pinagdaanan sa buhay para dito magtapos. Immediately, sabi ko no, hindi ganito magtatapos ang buhay ko. Hindi dito,” pag-amin niya.

Dagdag niya, “I’ve experienced mga trying moments pero ito talaga clearly, Lord why me? Tapos immediately, may sumagot. Para siyang a voice in my head, ‘Why not? It had to be you. You’re being used.’ Kumbaga kung ang Diyos ang nagsasalita, ‘Anak, I’ve called you and I want to use you.’ So sabi ko na lang okay, tinanggap ko.” 

Sabi pa niya, “If you’re faced with a life and death situation, ‘yung mga material na bagay walang maitutulong. Hindi natin puwedeng i-deny na, of course, I was being taken care of in a nice hospital. 

“If you think about it, sasabihin ng tao, ‘Mayaman ka and may pera ka pang ospital.’ I wish everybody may access doon. Wala sanang Pilipino na hindi puwedeng makapunta ng ospital at kailangan isipin na wala silang pambayad kaya hindi sila pupunta ng ospital,” chika pa ng COVID survivor.

Nagpasalamat din siya sa lahat ng nagdasal para sa kanya, sa kanyang asawang si Ben Wintle at sa mga doktor at nurse na tumingin sa kanya, “Every single person, they went above and beyond. ‘Yung pag-alaga nila sa akin, hinding hindi ko makakalimutan. 

“Nag-iiyakan kami nung ibang nurse at doctor doon nung sinabi ngang baka ma-ICU. May kukuha doon ng dugo ko. May nagsabi, ‘Miss Iza, ikaw si Sangre Amihan, matatalo mo ‘to,’” aniya pa.

Read more...