MALAKI naman ang pagkakaiba nina Mocha Uson at Alex Gonzaga. Si Mocha ay madalas pagbintangan at husgahan ng mas nakararami nating kababayan bilang reyna ng fake news.
Maraming impormasyong inilalabas ang sexy singer-dancer na kalaunan ay napatutunayan ng marami na imbento lang. Kanyang-kanya lang ang koronang ‘yun kahit hindi pa pumuputok ang corona virus.
Si Alex Gonzaga naman ay nabiktima ng fake news. Kinapos siya sa pagsasaliksik at agaran siyang naniwala na ang COVID-19 ay nakukuha sa mga grocery stores.
Ipinasa niya ang impormasyon, naalarma naman ang PGH sa mensahe sa social media, kaya kinontra ang ipinost ni Alex.
Ang sabi kasi sa tinanggap na impormasyon ni Alex ay kailangan daw i-disinfect ang mga delata at iba pang mga produkto dahil maraming mamimiling humahawak sa mga eskaparate.
Agarang ipinaliwanag ng PGH na hindi ‘yun totoo, ang tunay na pinag-uugatan ng COVID-19 ay ang pagpasok sa ating bansa ng mga taong nanggaling sa mga bansang kontaminado ng corona virus, saka ang pakikisalamuha sa mga taong meron nang sakit.
Mas tinitingnan ng mga otoridad ang social distancing sa mga pampublikong pamilihan, ang pagsusuot ng face mask, pero walang patunay na ang corona virus ay nakukuha sa mga grocery stores.
Walang masamang intensiyon si Alex Gonzaga sa pagpapasa-pasa ng naturang impormasyon, ang nasa kanyang isip siguro ay maaaring makatulong ‘yun para makaligtas ang sambayanan sa mapamuksang sakit, hinding-hindi ang manira o manakot ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng isang fake news.
Isa si Alex Gonzaga sa mga artistang may mabuting puso para sa mga nangangailangan, mula sa kanyang kinikita ay nagbibigay siya ng ayuda, hindi lahat ng mga personalidad ay may ginintuang-puso.
Binura na niya ang fake news, pero bago niya ‘yun ginawa ay nakatikim muna siya nang sangkatutak na pamba-bash, sa susunod ay mag-iingat na siguro ang aktres sa mga impormasyong tinatanggap niya bago ‘yun ipasa sa iba.
Ang mahalaga ay ang intensiyon, ang pakay sa pagpapasa ng mensahe, malinis ang kunsensiya ni Alex Gonzaga kaya lang ay kinapos siya sa pagbabalanse at pag-iimbestiga kung gaano katotoo ang impormasyong tinanggap niya.
Sabi nga, para hindi tayo magkamali, think before you click.
* * *
Sa pataasan ng bilang ng mga kinapitan ng COVID-19 at pumanaw na ay nilampasan na nang milya-milya ng Amerika ang Spain at Italy.
Grabe ang pagkalat ng corona virus sa bansa ni Uncle Sam, pinuntirya nito ang East Coast, kasama na ang the city that doesn’t sleep na New York.
Matindi ang pagdadagdag ng numero ng mga virus, ganu’n din ang bilang ng mga namamatay, kaya hindi na malaman ni Pangulong Trump kung ano ang kanyang gagawin.
Napakasuwerte pa rin ng Pilipinas dahil ayon sa datos ng World Health Organization ay nasa pangtatlumpu’t dalawang antas lamang tayo, maliit lang kung tutuusin, pero naghahasik na ng lagim ang mikrobyo sa ating bayan.
Dagdag na panalangin pa ang kailangan nating gawin, hindi pa sapat ang ating mga hiling, harinawang isang umaga ay magising na lang tayo na nakarating na pala sa langit ang ating pangarap at ligtas na sa corona virus ang ating bayan.
Harinawa.