John Lloyd nagbigay-pugay sa mga frontliners: Mabuhay kayo! 

NAKIISA na rin ang award-winning actor na si John Lloyd Cruz sa pagbibigay-pugay sa lahat ng bayaning frontliners na patuloy na nagbubuwis ng buhay ngayong panahon ng health crisis.

Sa maikling video na ipinost ng isang Instagram fan page ni Lloydie, mapapanood ang dating Kapamilya actor na nagbibigay ng words of encouragement para sa lahat ng doktor, nurse at mga health workers.

Ayon kay John Lloyd, kulang na kulang ang pasasalamat ng sambayanang Filipino sa ginagawa nilang paglaban sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

“Maraming salamat sa inyo. Sa lahat ng frontliners, mabuhay kayo. Mabuhay kayo,” simulang pahayag ni Lloydie.

Kulang. Kulang itong efforts … para pasalamatan ang mga frontliners natin sa kanilang serbisyo. Maraming salamat sa inyo,” dagdag pa niya.

Hindi nabanggit ng nag-post ng video kung saan at kailan kinunan ang pagsasalita ni Lloydie pero ayon sa ilang netizens, posibleng mula ito sa Cebu kung saan inabutan umano ng enhanced community quarantine ang aktor.

Kamakailan ay kumalat ang ilang litrato ng aktor sa isang beach resort sa Cebu kung saan nakitang kasama niya ang anak kay Ellen Adarna na si Elias Modesto at ang character actor na si Mon Confiado.

 

Read more...