“MIRACLE” para sa TV host-actress na si Regine Tolentino ang magkaroon uli ng baby.
Ibinandera ng dating segment host ng Unang Hirit na isinilang na niya ang ikatlo niyang anak sa kanyang karelasyong non-showbiz.
Sa kanyang Instagram account, ipinost ni Regine ang litrato ng bagong “blessing” na dumating sa kanyang buhay.
Isa itong black and white photo na kuha sa loob ng operating room kunh saan makikita ang bagong panganak na sanggol.
“At a time of uncertainty and anxiety, everyone is looking for a spark of hope, a miracle that will raise our spirits and make everything better. This blessing can come in any shape or form. Ours came on March 17, 2020 at 9:25pm,” ang inilagay na caption ni Regine.
Base sa ginamit niyang hashtag sa kanyang IG post, ang pangalan ng baby ay Rosie Rignée.
Hindi nagbigay ng karagdagang detalye si Regine tungkol sa pagsilang ng kanyang ikatlong anak. Maraming bumati sa TV host-dancer kabilang na ang mga kaibigan niya sa showbiz.
Isa sa nga nag-congratulate kay Regine ay si Claudine Barretto na umaming nagulat sa kanyang panganganak. “OMG I didn’t even know you were pregnant. Anyhow, congratulations,” ani Claudine.
Ilan pa sa mga bumati sa kanya ay sina Lani Misalucha, Giselle Sanchez, Love Anover, Dindi Gallardo, Andrea del Rosario at marami pang iba.
Kung matatandaan, taong 2018 nang ibalita ni Regine na napawalang-bisa na ang kasal nila ng aktor na si Lander Vera-Perez. Nagkaroon sila ng dalawang anak.
Nagpakasal sina Regine at Lander noong 1997 pero naghiwalay din taong 2016. Hanggang ngayon ay hindi pa rin sinasabi ng ex-couple ang tunay na dahilan ng kanilang break-up.