BINABALAK na ni Willie Revillame na ibenta ang ilan niyang mga ari-arian para mas marami pang mabigyan ng tulong ngayong panahon ng krisis.
Sa “Tutok To Win” live online segment ng Wowowin, sinabi ng TV host-comedian na patuloy siyang nag-iisip ng paraan para mapalawak pa ang ginagawa nilang pagtulong sa lahat ng naaapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Nakapanayam ni Willie si Sen. Manny Pacquiao sa “Tutok To Win” at dito nga nila napag-usapan kung paano sila magtutulungan para mas marami pang pamilyang Pinoy ang matulungan habang patuloy na nakikipaglaban ang buong mundo sa killer virus.
Nasa Puerto Galera pa rin ngayon ang TV host at kung mapagbibigyan siya ng pamahalaan, nais niya raw makauwi sa Maynila para maipagpatuloy ang pamamahagi nila ng relief goods.
Aniya, humingi na siya ng permiso sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para makabalik na ng Manila gamit ang pag-aaring chopper.
Ibinalita rin ng komedyante na may in-order na siyang P1 milyong halaga ng bigas, bukod pa sa bibilhing noodles at sardinas. Aniya, plano nilang magpagawa ng sariling PPE (Personal Protective Equipment) para personal nilang maipamigay ang relief goods.
“So hindi ito pampagaling, hindi ito pasikatan. Kailangan natin itong gawin kasi marami na talaga tayong kababayang naghihirap at nagugugtom.
“Ayoko namang iasa lahat sa gobyerno dahil siyempre ‘yung gobyerno nag-iingat din sa buhay nila,” lahad ng TV host.
“Hindi ako nagtsa-challenge. Ang gusto ko, humingi ng tulong sa inyo,” sabi pa ni Willie habang kausap si Pacquiao.
Dito na nabanggit ni Willie na pinaplano na niyang ibenta kahit kalahati ng kanyang mga ari-arian.
“Sa totoo nga ‘yung ibang property ko, gusto kong ibenta. Gusto ko talagang, kahit kalahati na ang mabenta, ibigay na. Dahil kawawa ang ating mga kababayan, sobra, nakikita sa hirap,” ani Willie.
Sabi naman ni Pacman, “Tulungan natin ‘yung gobyerno, makiisa tayo sa mga patakaran ng gobyerno at mag-initiate na rin tayo ng sarili natin na makatulong, makaambag sa mga programa ng gobyerno para sa taong bayan.”
“Especially, ‘yung pagbibigay ng bigas, pagkain sa mga tao na nagugutom. Kasi naiintindihan ko talaga ang mga tao na nagugutom dahil alam niyo, ‘yang one week, two weeks, one month, napakatagal na po ‘yan.
“Kung walang ayuda ng gobyerno, magugutom ang taong bayan, magugutom ang bawat pamilya,” pahayag pa ng senador.
“Mabuti naman ‘yang gagawin mo, makakatulong din naman sa tao. Puwede nang mabigyan ng permit na makauwi ka dito sa Manila,” paniniguro pa ng Pambansang Kamao sa Wowowin host.
Marami nang natulungan si Willie sa Puerto Galera habang naka-community quarantine ang buong Luzon. Sa kanyang beach resort sa Mindoro inabutan ng lockdown ang comedian at talagang gumawa siya ng paraan para kahit paano’y matulungan ang mga residente roon.