Nograles sa mga batikos vs Belmonte: Hindi ito ang panahon ng politika at pang-iintriga

TODO-tanggol si Inter-Agency Task Force spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles kay Quezon City Mayor Joy Belmonte sa harap ng mga batikos laban sa alkalde sa pagsasabing hindi panahon ngayon ng pamumulitika at pang-iintriga.

“Hindi po ito ang panahon ng pulitika at pang-iintriga, hindi ngayon,” sabi ni Nograles.

Nauna nang nabatikos sa social media si Belmonte dahil sa kapalpakan sa mamimigay ng relief goods sa mga apektado ng lockdown sa lungsod at napakataas na kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Quezon City.

Idinagdag ni Nograles na hindi dapat pinagsasabong ang pambansang gobyerno at ang lokal na pamahalaan.

“That being said, I will not allow the national government to be pitted against the LGUs. Gaya ng sabi ko, magtulungan po tayo. Hindi po ito panahon na mag-away-away at magkawatak-watak po tayo. Lahat ng LGUs need all the help they can get,” giit ni Nograles.

Si Belmonte ang kilalang kaalyado ng administrasyon.

Kamakailan, nagprotesta ang ilang residente ng Quezon City dahil sa kawalan ng ayudang nakukuha sa lokal na pamahalaan.

Halos umabot naman sa 500 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Quezon City.

Read more...