ITO ang mahigpit na ipinatutupad sa mga barkong naglalayag kapag isyu na ng alcohol ang nasasangkot. Ayon kay Engr. Peter Lugue, Assistant Vice President for Crewing Operation ng Philippine Transmarine Carriers (PTC), di naman ipinagbabawal ang pag-inom ng crew ng barko, ngunit kailang gawin ito kung off-duty lamang ang ating marino at may limit lamang.
Nagtungo sa aming Seafarer’s Hour sa Bantay OCW si Denver de Guzman ng Binmaley, Pangasinan. Noong 2010, natiyempuhan ‘anya siyang ipa-breath analyzer bago pumasok sa trabaho.
Matapos ang dalawang linggo, ipinatawag si Denver at pinauwi na lamang agad. May apat na buwan pa siyang dapat ipagtrabaho sa barko.
Walang hearing o anumang pagdinig sa kaso niya, wala siyang pinirmahan na anuman, at binigyan na lamang siya ng plane ticket pauwi ng Pilipinas. Inaakala ni Denver na okay na sana ang lahat, dahil hindi naman ‘anya tinawag ang kaniyang atensiyon may kinalaman sa naturang isyu.
Galing sa Miami, U.S.A. si Denver ngunit hindi siya pinayagang makapasok ng US territory. Pinabiyahe siya patungo ng London upang doon sumakay pauwi ng bansa. Guwardiyado pa ‘anya siya hanggang sa salubungin ng immigration officer doon at bantayan hanggang makasakay ng eroplano.
Tinanong namin si Engr. Lugue kung bakit hindi pinadaan sa US territory si Denver. Ayon kay Lugue, iniiwasan nila ang posibilidad na mag-jump ship ang ating kabayan kaya ganun ‘anya ang nakagawian na, kapag nagpapauwi ng seafarer sa Amerika.
Nag-aalala si Denver na baka ‘anya blacklisted na siya kung kaya’t hindi siya natatawagan ng iba’t-ibang manning agency. Ayon kay Lugue, bawal at wala namang blacklisting na isinasagawa ang mga ahensiya. Ngunit handa naman ang PTC na bigyan ng isa pang pagkakataon ang ating kabayan, basta’t maipapasa lamang niya ang mga eksamen na ibibigay nila.
Third language ang isa sa mga kahilingan para sa mga aplikanteng marino para sa mga cruise ship. Ito ang madalas hanapin sa ating mga kababayang seafarer kung nagnanais silang magtrabaho sa mga cruise vessel ng Philippine Transmarine Corp.
Hindi sapat na marunong lang mag-English ang isang seaman ngayon, kundi kailangan may iba pa itong language na alam dahil direkta silang nakikipag-usap sa mga kliyente.
Nagtrabaho bilang waiter at messman si Leo Lopez ng Manila. Kaya naman nang dumalaw siya sa Bantay OCW, personal siyang nakausap ni Engr. Lugue at natatandaan pa nitong ang grupo ni Leo ang unang batch na pinabiyahe nina Lugue nang magtrabaho na siya sa landbase matapos ang mahaba-habang mga taon rin ng kaniyang paglalayag.
At nakatutuwang marinig sina Engr. Lugue at Leo nang mag-usap sila sa wikang German.
Napakarami talagang talento ng Pinoy. At ito ang siyang dahilan kung bakit hinahabol talaga ang ating mga Filipino seafarer na makasakay ng barko. Napakalaking bentaha para sa ating mga marino na ang pagkatuto ng iba’t-ibang wika dahil puhunan na ito sa kanilang paglalayag.
Pagbutihin po ninyo at hangad ng Bantay OCW na muling itutuloy ng ating mga seaman ang kanilang career sa industriya ng maritime.
Abangan si Susan K Lunes hanggang Biyernes sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, alas 11 hanggang alas 12 ng tanghali. Mapapanood din siya sa PTV 4 tuwing Martes, alas 8 ng gabi hanggang alas-9.
Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700
E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com