PARAMI nang parami ang mga celebrities na naghahatid ng tulong sa mga frontliners at sa mga kababayan nating nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Na-inspire ang mundo ng showbiz sa agaran at walang sawang pagbibigay-ayuda ng tunay na Darna na si Angel Locsin sa mga apektado ng lockdown pati na ng mga doktor, nurse at healthcare workers sa bansa.
At sa kabila ng pamba-bash ng ilang netizens sa mga artistang naghahatid ng tulong sa abot ng kanilang makakaya, hindi ito nagiging hadlang para ipagpatuloy nila ang pagbibigay ng donasyon sa panahon ng krisis.
Nauna na nga riyan ang Star Magic artist na si Kim Chiu na dedma lang sa haters na nagsabing hindi sincere ang pamimigay ng relief goods.
Personal na nag-repack ng bigas at iba pang pagkain si Kim na kanyang ibinahagi sa 500 pamilya sa apat na barangay sa Marikina.
Sumunod naman ang lead star ng Kapamilya series na “A Soldier’s Heart” na si Gerald Anderson na personal pang nagtungo sa North Luzon Expressway checkpoints para iabot ang mga inihandang packed meals at tubig sa mga sundalong nagbabantay doon.
Hindi pa man lumilipad bilang bagong Darna, nagpaka-superhero rin si Jane de Leon matapos tumulong sa pagre-repack at pagdi-distribute ng relief goods sa mga senior citizens sa Cainta, Rizal sa tulong ng kanyang pamilya at ilang barangay officials.
Bago pa mag-self quantine sa kanilang bahay, nakapag-donate na rin si Ria Atayde kasama ang komedyanteng si Pooh at ilang kaibigan ng food packs sa 100 doktor at medical personnel sa FEU Hospital.
Nagpadala rin ng mga pagkain ang showbiz couple na sina Jake Cuenca at Kylie Versoza sa mga frontliners.
“@kylieverzosa and I with the help of @frontlinefeedersph we’re able to feed our frontliners from Makati Medical Center, Medical Center Taguig, Las Piñas General Hospital and Unihealth Parañaque Hospital today.
“Taos puso po kami nagpapasalamat sa inyo sa lahat sakripisyo at serbisyo na binibigay ninyo sa panahon na ito. Magmula sa mga doktor, nurse, security guards at lahat ng tao na nagtratrabaho sa panahon na ito maraming salamat po. pinagdadasalan namin kayo. Kayo ang tunay na mga bayani,” caption ni Jake sa mga litratong ipinost niya sa Instagram.
Ilan pa sa mga nagpahatid ng tulong sa mga bayaning frontliners ay sina Maja Salvador, Pokwang, Elisse Joson at Michelle Vito, Ivana Alawi at marami pang iba.