NANG matigil ang NCAA Season 95 bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic, isa sa mga apektado nito ang University of Perpetual Help men’s volleyball team.
Wala kasing talo ang Altas sa siyam na laro nito at naghihintay na lamang sila ng makakalaban sa championship round.
Subalit hindi naman masama ang loob ni Perpetual coach Sammy Acaylar.
Bagkus ay nasabi ng dating national men’s team coach na, “the game has changed.”
Kaya naman namahagi ng tulong si Acaylar para sa mga lumalaban kontra COVID-19 sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain at inumin sa mga medical frontliners pati na sa mga pulis at traffic enforcers.
Sa isang kalye sa Las Piñas, nagbibigay si Acaylar ng inumin araw-araw at tuwing weekend ay nag-aabot siya ng sopas, tinapay at noodles.
“That’s all I can afford, I’m not a rich man,” sabi ni Acaylar sa Inquirer. “My heart breaks for people who continue to do their job despite the danger.”
Sinabi pa ni Acaylar na, “I’m thankful for all the blessings that I received as a coach.”
At tunay naman na naging mabuti sa kanya ang volleyball.
Tinulungan ni Acaylar ang Altas na magwagi ng pitong NCAA titles sa huling 10 taon at iyo ang naglagay sa kanya bilang isa sa mga hinahangad na coach sa bansa.
Nagsilbi rin si Acaylar bilang head coach ng national men’s team na sumali sa Southeast Asian Games matapos ang 10 taon na pagliban. Pinatalsik ng koponan ang powerhouse Thailand sa semifinals bago nauwi ang silver medal.
At nariyan din ang Perpetual na nakatutok sa ika-13th title na magtatabla sa Letran para sa NCAA all-time record bago nakansela ang season.
Subalit hindi na mahalaga ito para kay Acaylar lalo na’t nakatuon siya ngayon sa pagtulong sa mga bayani nating frontliners.
“We have to face a new reality,” dagdag ni Acaylar.