Anjo, Ruby nag-explain sa ‘sapilitang sex’ ng mag-asawa 

PANALO sa ratings game ang episode ng “Ilaban Natin ‘Yan” nitong nakaraang Sabado kung saan hinarap ng paranormal expert na si Ed Caluag ang kanyang mga basher. 

Nakakuha ang episode na pinagbidahan ni Buboy Villar ng 6.6 percent overnight people rating sa National Urban Television Audience Measurement. Tinalo nito ang katapat na programa na nakakuha ng 6.1 percent.

Ngayong Sabado (April 4), sina Eat Bulaga Dabarkads Ruby Rodriguez at Anjo Yllana naman ang mapapanood sa episode na “Hayok”. 

Gagampanan nina Ruby at Anjo ang mag-asawang Karen at Christopher na nahaharap sa isang problema.

Ayon kasi kay Karen, may sex addiction ang kanyang asawa. At sa tuwing hindi niya ito napagbibigyan ay sinasaktan daw siya nito. 

Depensa naman ni Christopher, may ibang dahilan daw kaya tumatanggi sa kanya si Karen. Mayroon daw kasi itong ibang karelasyon kaya nanlalamig ito sa kanya.

Nagbigay ng opinyon ang dalawang Kapuso stars tungkol sa sex addiction at marriage.

Para kay Anjo, bahagi man ng buhay-mag-asawa ang pagtatalik, hindi ibig sabihin nito ay kahit wala sa mood o walang gana, e, obligado pa rin na gawin ito ng tao. 

“Kapag ayaw ng asawa, para sa akin, kailangan ipaliwanag lang niya nang maayos o klaro na makikipagtalik din siya at magbibigay siya ng panahon o petsa. 

“Kunwari, next week or end of the month o next month na lang. Nang sa ganun, hindi iisipin na asawa na ayaw na niya makipagtalik,” aniya pa.

Hindi dapat mawala ang respeto sa isa’t isa, ayon naman kay Ruby, “Making love is never an obligation kaya nga making love ang tawag. Abuso na ‘yon ‘pag may pananakit. Wala nang respeto (kapag ganu’n).”

Panoorin ang “Hayok” ngayong Sabado sa “Ilaban Natin ‘Yan” kasama ang Ate ng Bayan na si Vicky Morales pagkatapos ng “Tadhana” sa GMA 7.

 

Read more...