Gayunman, iginiit ni Año na maaari ngang gumamit ng puwersa ang pulisya at militar kung gagamit din ng dahas ang sinumang manggugulo.
“May qualifier naman dun, sinabi naman ‘pag lumaban at gumamit ng dahas and when your lives are in danger, shoot,” sabi ni Año sa isang panayam.
Halos pareho din ang tugon ni National Police chief Gen. Archie Francisco Gamboa nang tanungin sa isang panayam sa telebisyon kung babarilin nga ng mga pulis ang sinumang manggugulo.
“Of course not… We see the strong message, and I think all the PNP personnel understood it,” aniya.
Tiniyak naman ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, commander ng Joint Task Force-Coronavirus Shield, na batas pa rin ang paiiralin laban sa mga manggugulo.
“We will use the full force of the law to make sure that you will pay for any of your action that will compromise the security and health safety of not only the DSWD and PNP personnel, but also the people in the community,” sabi ni Eleazar sa isang kalatas.
Kaugnay nito, inulat ng militar na muling nakasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang mga kasapi ng New People’s Army na balak umanong manggulo sa Quezon, Miyerkules ng hapon.
Isang rebelde ang napatay, isang sundalo ang nasugatan, at dalawang baril ang narekober bunsod ng engkuwentrong naganap alas-5 ng hapon, sa Brgy. Ilayang Yuni, Mulanay, ayon sa ulat ng Army 2nd Infantry Division.
Ito na ang ikatlong beses na makasagupa ng militar ang NPA sa Calabarzon, sa gitna ng ceasefire na ipinatutupad kaugnay ng Luzon-wide lockdown laban sa COVID-19.
Kaugnay pa rin ng mga utos ng Pangulo noong Miyerkules ng gabi, sinabi ni Año na maging ang utos ng Pangulo na buhusan din ng kemikal ang mga taong mananakit sa health workers ay isa lang ding pagbibigay-diin.
“‘Yung message niya, para lang ipakita gaano kaimportante yung mga health workers… Alam mo naman si Presidente ‘pag nagsasalita, ini-exaggerate niya to emphasize the point.”
Pero tiniyak ni Año na sinumang mananakit sa health workers ay maaaring makulong nang hanggang dalawang buwan, sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.
Vico lusot; pasaway na governors, mayors lagot
Samantala, sinabi ng kalihim na wala siyang nakikitang paglabag ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga regulasyong ipinatutupad kaugnay ng Luzon-wide lockdown.
Ayon kay Año, bagamat unang iginiit ni Sotto ang paggamit ng tricycle sa lungsod ay tumalima din ito sa huli, matapos pagsabihan ng DILG.
“Nag-address naman siya, sumunod naman sya, so as far as DILG is concerned… okay lang sa akin yung ganun.”
Gayunman, sinabi ni Año na ipinauubaya na niya sa Department of Justice ang pasya kay Sotto dahil ang National Bureau of Investigation (NBI) na nasa ilalim nito ang humingi ng paliwanag sa alkalde.
Sa panayam sa telebisyon, kinumpirma ni DILG spokesman Usec. Jonathan Malaya na di suportado ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang naging paanyaya ng NBI kay Sotto dahil ang umano’y pagsuway ng alkalde ay naganap bago pa maipasa ang Bayanihan to Heal as One Act.
“Just my personal opinion… I think this act of summoning hte mayor of Pasig is a useless political distraction at this time when all of us are preparing, operating [against this] COVID crisis that we are in right now,” ani Malaya.
Inihayag naman ni Año na may ilang iba pang local chief executives, na kinabibilangan ng mga gobernador at mayor, ang iniimbestigahan sa pagsuway sa mga utos ng Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infactious Diseases (IATF-MEID).
“Mayroon na kaming mga pinadalanan ng show cause orders. Ibibigay ko kay presidente [ang mga pangalan]… pero until now mina-manage natin na i-negotiate para hindi na sila makasuhan,” ani Año.
Kabilang aniya sa mga mino-monitor na paglabag ngayon ng local chief executives ang pagharang sa mga kargamento lalo na ang pagkain at gamot, di pagpapadaan sa mga overseas Filipino workers at banyaga na nais umuwi, at hindi pagpapadaan sa mga taong nagtatrabaho sa mga mahalagang tanggapan gaya ng mga gawaan ng pagkain, ospital, at bangko.
OCD: Medical supplies di dinadala sa Malasakit Centers
Sa kaugnay na balita, itinanggi ng Office of Civil Defense ang impormasyon na pinadadaan ang mga nakalap nitong donasyon na medical supplies sa Malasakit Centers na proyekto ni Sen. Bong Go.
“Wala pong ganoong nagaganap… the personal protective equipment (PPE) and supplies we purchased and donations we received are distributed directly to hospitals attending to COVID-19 patients,” sabi ni Mark Timbal, tagapagsalita ng OCD at National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ayon kay Timbal, mayroon lamang donasyon ng PPE at iba pang medical supply na nakarating sa Western Visayas mula kay Sen. Go.
“The Office of Sen. Go had previously turned over some donations to OCD, and OCD in turn distributed it to hospitals.”
“Wala pong stopover ng donations elsewhere or repacking/rebranding na ginagawa sa aming warehouse… Whatever we procure or whatever donation we receive, we directly provide it to the intended recipients. In this case, the hospitals,” sabi pa ni Timbal.
Sa pinakahuling ulat ng OCD, sinasabi na ay nakapagdala ito ng libu-libong PPE gaya ng surgical face masks, surgical gloves, at coverall suits noong Miyerkules.
Ang mga naturang PPE ay ipinamahagi sa Dasmarinas City Medical Center, Jose Rodriguez Memorial Hospital ng Caloocan City, Skyline Hospital, Veterans Memorial Medical Center, Ospital ng Paranaque, East Avenue Medical Center, Philippine General Hospital, at National Kidney and Transplant Institute, ayon sa OCD.
Itinanggi rin ni Timbal na ni-raid ng mga empleyado ng OCD ang ilang ospital para kuhain ang mga suplay ng PPE at maipamahagi ito sa ibang pagamutan.
“These are fake news. OCD has been gathering resources thru procurement and donations. What we have pooled are distributed to various recipients,” aniya.