Bilang tugon sa programa ng gobyerno na tumulong sa mga manggagawang Pilipino na apektado ng COVID-19 lockdown ay nagsumite na ng listahan ang Games and Amusements Board (GAB) sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa amelioration program ng gobyerno.
Dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa bansa ay naapektuhan ang kabuhayan ng maraming Pilipino lalo na ang mga nasa “no work, no pay” sector kaya naman nag-alay ng tulong pinansiyal ang gobyerno na magbibigay ng mula P5,000 hanggang P8,000 ayuda para sa mga kuwalipikadong Pinoy.
Kabilang sa mga nawalan ng kinikita sa panahon ng quarantine ay ang mga atleta, trainers, managers at promoters ng pro boxing at iba pang contact sports at minabuti ni GAB chairman Abraham “Baham” Mitra at ng mga commissioners na sina Eduard Trinidad at Mar Masanguid na isali ang mga ito sa naturang probisyon ng Republic Act No. 11369 o ang Bayanihan to Heal as One Act.
Ayon kay Mitra, umabot sa 1,133 katao ang nasa opisyal na talaan ng GAB na binubuo ng 805 boxers, 79 mixed martial arts fighters, 32 muay thai athletes, 157 boxing trainers at seconds, 48 MMA trainers at 12 muay trainers.
Umaasa si Mitra na matutugunan ng DOLE at ng DSWD ang pangangailangan ng mga ito.
MOST READ
LATEST STORIES