MULING sumailalim sa 14-day home quarantine sina House Speaker Alan Peter Cayetano at kanyang misis na si Taguig Rep. Lani Cayetano.
Nakasama ng mag-asawa si Interior ang Local Government Sec. Eduardo Año sa special session ng Kamara de Representantes noong Marso 23. Si Año ay nagpositibo sa coronavirus disease 2019.
“Balik na naman ho kami sa PUM (person under monitoring) dahil po hindi muna kami lalabas ulit ng bahay. ‘Yun po ang aming responsibility sapagkat nung nag-positive po si DILG Sec. Año, kami po magkakasama noong 23, kailangan, so, magbilang ng 14 days para sigurado na ‘di makakahawa,” ani Cayetano sa kanyang Facecbook live post.
Nauna ng sumailalim sa quarantine ang mga kongresista at staff na pumunta sa special session matapos na magpositibo si ACT-CIS Rep. Eric Yap. Makalipas ang ilang araw ay inanunsyo ng Research Institute for Tropical Medicine na nagkaroon ng clerical error sa resulta at si Yap ay negatibo umano.
“Pag sinabing na-expose ka sa isang positive, 14 days mag-self isolate. ‘Pag ikaw naman ‘di mo sure pero may sintomas ka na mag-isolate ka na rin,” saad ng lider ng Kamara.