Vico Sotto sa mga Pasigueño: Kalma lang, ang mahalaga tuloy ang trabaho, kaya natin ‘to!

KALIWA’T kanang batikos ang ibinato ng mga kilalang personalidad at netizens sa National Bureau of Investigation nang ipatawag ng ahensiya si Pasig City Mayor Vico Sotto dahil sa umano’y paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act.

Matatandaang hiniling ni Mayor Vico sa national government na payagang bumiyahe ang mga traysikel sa Pasig para maghatid at magsundo sa health workers at para may magamit din kung may emergency.

Pero hindi siya pinayagan at sinunod kautusan ng gobyerno. Naglaan ng mga shuttle bus ang batang mayor para may masakyan ang frontliners.

Tapos na ang isyu sa traysikel at araw-araw ay nagpapakita ng magandang performance ang alkalde ng Pasig kaya kaliwa’t kanan din ang papuri sa kanya ng publiko.  

Ginagaya din ng ilang kapwa niya mayor ang kanyang mga ideya tulad ng mobile kitchen at mobile palengke kabilang na si Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na puring-puri si Vico sa magaganda nitong konsepto.

Sabi ng isang celebrity na nakausap namin, “Kung sino pa ‘yung nagtatrabaho ng tahimik at maraming nagagawa, ‘yun ang ipatatawag ng NBI? Kung sino ‘yung nagkalat ng virus na pagala-gala, walang kaso?” Na ang tinutukoy ay si Sen. Koko Pimentel.

Base naman sa pahayag ni Mayor Vico ay haharapin niya ang imbitasyon ng NBI, “They’re asking for an ‘explanation on the alleged violation of the Bayanihan to Heal as One Act (e.g. continuous tricycle operation).’

“We complied with all directives. Hindi po illegal magbigay ng opinyon. Alam kaya nila na March 24 naging batas ang Bayanihan Act?” balik-tanong ng mayor.

Marso 19 ipinatigil ang pasada ng traysikel sa Pasig ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease at nitong Marso 24 naging batas ang Bayanihan Act na nagbigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, 10 p.m. nitong Huwebes ay pinawi ni Mayor Vico ang agam-agam ng mga mamamayan ng Pasig.

Post niya sa kanyang social media account, “Mga kapwa ko Pasigueño, ‘wag niyo intindihin ang mga isyu-isyu na ganun. Nagbigay na ako ng statement sa mga nagtatanong tungkol sa abalang dinala sa akin ng NBI kanina ok na ‘yun. Mga national officials na rin ang nagsabi na mali yung ginawa nila.

“Ang mahalaga, TULOY ANG TRABAHO. Hindi perpekto ang ating lokal na pamahalaan, pero nagsusumikap tayo upang matulungan natin ang lahat ng nangangailangan ng tulong ngayong panahon ng krisis.

“Salamat po sa patuloy na kooperasyon ng nakararami sa atin. Tuloy-tuloy po ang distribusyon ng grocery foodpacks sa mga nangangailangan. (May mga nagiging problema sa ibang lugar, pero nasosolusyunan naman natin.) Tuloy din ang pagbibigay ng ayuda sa iba’t ibang sektor. Sa tulong ng Sanggunian, nataasan pa natin ang matatanggap ng mga tricycle driver mula 3k hanggang 4k.

“Malapit na rin dumating ang tulong pinansyal sa mahigit 100K pamilya sa tulong ng nasyonal na pamahalaan.

“Yung sa medikal na aspeto naman, nasa mabuting kamay tayo at nakaplano ng maigi ang phases ng aksyon natin.

“Focus tayo. Mula barangay hanggang nasyonal, magtulungan lang po tayo. Malalagpasan din natin ang krisis na dulot ng #Covid19.”

Naniniwala kaming may mga naiinggit kay Mayor Vico dahil sa maganda nitong pamamahala sa Pasig.

At dahil sa mga natanggap na batikos, nagsabi ang NBI na ipatatawag din nila si Pimentel dahil sa paglabag nito sa quarantine protocols.

Iisa lang ang reaksiyon ng mga tagasuporta ni Vico, “Hugas kamay na ang NBI.”

 

 

                                                                

 

 

 

 

Read more...