KAKASUHAN ng Quezon City Police District ang 21 katao na kasama sa mga nagtipon-tipon sa EDSA Kilyawan, Brgy. Bagong Pag-Asa sa Quezon City kaninang umaga.
Ayon kay QCPD Director, Police Brigadier General Ronnie Montejo lumabag ang mga ito sa Enhanced Community Quarantine na ipinatutupad para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019.
“Bago po sila hinuli, unang-una pinakiusapan natin sila para magsibalikan sa kanilang tahanan, subalit nagmatigas sila kaya wala tayo magawa kundi i-implement natin ang batas,” ani Montejo.
Kasama sa mga naaresto si Jocy Lopez, 47, na umano’y lider ng Samahan Ng Magkakapitbahay ng Barangay San Roque (SAMANA).
Dinala ang mga nahuli sa Criminal Investigation and Detection Unit kung saan sila inireklamo ng paglabag sa Bayanihan To Heal As One Act (RA 11469), Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act (RA 11332) at paglabag sa Art. 151 (Resistance and Disobedience to a Person in Authority or Agents.
Iginiit naman ni Montejo na patuloy ang maigting na pagpapatupad ng ECQ.
“Kung hindi po tayo kasama sa mga pinapayagan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, mas mabuting manatili na lamang sa loob ng bahay. Sumunod po tayo sa mga ipinapatupad na mga polisiya ng gobyerno at mga paalala ng pamahalaang lungsod at ng PNP tulad ng public safety of curfew hours, social o physical distancing, pagdala ng quarantine pass kung lalabas….,” dagdag pa ng QCPD chief.