BINUBUO na ang listahan ng mga pamilya na bibigyan ng emergency subsidy ng gobyerno.
Sa report na ipinadala ni Pangulong Duterte sa Kamara de Representantes sinabi ito na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force for Management of Emerging Infectious Diseases ang Joint Memorandum Circular para sa pagpapatupad ng Emergency Subsidy Program (ESP).
Pinakamalaki ang subsidy na ibibigay sa Metro Manila (P8,000) kung saan pinakamataas ang minimum daily wage.
Makatatanggap naman ng P5,500 ang mga kasaling pamilya sa Region 1 at 2, P6,500 naman sa Region 3 at Region 4A. Ang Region 4B at Region 5 ay 5,000, Region 6 at 7 ay P6,000, Region 8 at 9 ay P5,000, Region 10 at 11 ay P6,000, at Region 12, CARAGA at BARMM ay P5,000.
Ang Department of Finance ay nakikipagtulungan umano sa Department of Social Welfare and Development sa pagbuo ng consolidated database ng pamilya na makatatanggap ng tulong.
Tinatapos na rin umano ang operational guidelines na gagamitin sa pagpapatupad ng ESP.
Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act na nagbibigay ng emergency power sa Pangulo, tuwing Lunes ay kailangang magsumite si Duterte ng ulat sa Senado at Kamara de Representantes upang malaman kung ano na ang mga nagawa nito.