BINALAAN ni Angel Locsin ang publiko sa mga sindikato sa social media na ginagamit ang kanyang pangalan para makapanloko ng ibang tao.
Sa panahon ng krisis, hindi maiiwasan na may mga taong gagawin ang lahat para makapanglamang sa kanilang kapwa.
Nabuking ng aktres ang isang pekeng Facebook account gamit ang kanyang pangalan na nagsasabing mamimigay ng tulong sa mga naapektuhan ng lockdown sa bansa dulot ng COVID-19 crisis.
Ayon sa tweet ng dalaga wala siyang koneksyon sa FB page na “Angel Locsin Staffed” at hindi siya ang may-ari nito.
“This is not me. Mag-ingat po,” warning ng aktres. Ni-repost niya ang screenshot ng Facebook page kung saan nakasulat ang kanyang pangalan.
Sa mensahe ng nagpakilalang “Angel Locsin Staffed” mamimigay daw sila ng P1500 o relief goods para sa mga nawalan ng trabaho dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.
“What do you want cash 1500 or relief goods? Maybe you have something important to buy, we will look for 150 person tomorrow and Palawan express to them to give money! Inbox is the answer, please follow our account! Thank you!” sabi pa sa post.
Wala namang sinabi si Angel kung ano ang tunay na motibo ng pekeng pero ang laging ipinapaalala ng aktres, maging alerto at matalino sa panahon ng krisis.
Isa si Angel sa mga celebrities na walang sawang tumutulong sa mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic, lalo na sa mga bayaning frontliners at healthcare workers.