UMALMA si Sen. Manny Pacquiao sa kumalat na litrato ng sulat sa kanya ng Brgy. Dasmariñas sa Makati City kung saan siya at ang kanyang pamilya ay pinagbabawalang lumabas matapos umanong ma-exposed sa taong nagpositibo sa coronavirus disease 2019.
Sa isang pahinang sulat na ipinadala kay Kapitana Rossana Hwang sinabi ni Pacquiao na nais niya na maimbestigahan ang pangyayari upang hindi na ito muling maulit.
“Finally, it has come to my attention that your letter has been the subject of several news reports and malicious social media posts. In this regard, I wish to know how this private letter addressed to me went around the social media with total disregard to my right to privacy,” saad ng sulat ng senador.
Iginiit din ni Pacquiao na noon pang Marso 4 ang tinutukoy ng barangay na pagpunta ni Sen. Koko Pimentel sa kanyang bahay. Umamin si Pimentel na siya ay positibo sa COVID-19.
“Let me also emphasized that it was not ‘partying’ as stated in your letter. It was a political meeting. The word ‘partying’ casts me as someone insensitive to the current crisis of the nation.”
“I would like to remind you that it is in the best interest of our immediate community, and of the general public, if we refrain from making assertions or conclusions based on unverified news items and malicious social media posts.”
Bago pa umano sumulat ang barangay ay ginagawa na sa kanilang bahay ang ‘proper physical distancing’ at muli umano silang sumailalim sa home quarantine noong Marso 24.
Hindi umano sila lumalabas ng bahay at ang kanilang mga pangangailangan ay dinadala ng tatlong staff na hindi umuuwi sa kanilang bahay sa Dasmariñas kundi sa Forbes kaya walang direct contact sa kanyang pamilya.
Iginiit din ni Pacquiao sa sulat na siya ay nag-negatibo sa isinagawang COVID-19 test gamit ang rapid testing kit mula sa South Korea.
Handa umano siyang sumailalim muli sa test kung kakailanganin.
Hiniling din ng senador na ipadala na ng Barangay ang kanyang Home Quarantine Pass.
“We also ask that your office refrain from sending out official barangay communications directed to individuals to news outlets and social media. We do not wish to cause unnecessary panic during these trying times.”