Pagtatayo ng pansamantalang pagamutan at isolation facilities iginiit

ISINULONG ni Senador Win Gatchalian ang pagpapatayo ng mga pansamantalang mga pagamutan at isolation facilities sa bawat local government (LGU) sa harap ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus (COVID-19) sa bansa.

Sinabi ni Gatchalian na hindi sapat ang kasalukuyang kapasidad ng mga ospital sa bansa  upang tugunan ang pag-akyat ng mga kaso ng coronavirus .

 Sa Quezon City, halimbawa, may tatlong pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 pero pinauwi ng ospital dahil wala nang sapat na espasyo, ayon kay Gatchalian.

Ibinigay na halimbawa ni Gatchalian ang Wuhan, China, na dating tinaguriang epicenter ng pandemic sa coronavirus kung saan nagpatayo ito ng 16 na pansamantalang mga ospital na nakapagpagamot ng 13,000 mga pasyente.

Ipinasara na ang mga naturang ospital matapos bumaba ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod at sa buong China. 

 

Naging prayoridad naman ng South Korea na ipagamit ang mga kama ng ospital sa mga may malubhang sakit, habang ang mga may mild symptoms naman ay nanatili sa mga dormitoryo, paliwanag ni Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, magandang halimbawa ito sa pagbibigay prayoridad sa mga pasyenteng may malalang sintomas ng coronavirus. 

 

Nanawagan din si Gatchalian sa Department of Interior and Local Government (DILG) na siguruhing may Barangay Isolation Units o BIUs at  Barangay Health Emergency Response Teams o BHERT ang bawat barangay.

Read more...