NANAWAGAN ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez na suportahan ang ginagawang pagtulong ng mga fashion designer sa mga bayaning frontliners.
Patuloy na gumagawa ngayon ng mga improvised PPE o personal protective equipment ang mga kilalang Pinoy fashion designers para mapunan ang kakulangan nito sa mga ospital na nangangalaga sa mga COVID-19 patients.
Sa kanyang Instagram account, nag-post si Regine ng art card kung saan nakalagay ang panawagan sa lahat ng mga nais mag-donate para makagawa sila ng mas marami pang PPE para mga medical personnel na patuloy ang pag-aalay ng kanilang buhay maisalba lang ang mga tinamaan ng virus.
Gamit ang hashtag #FashionForFrontliners, narito ang mensaheng ipinost ng Songbird, “OUR FRONTLINERS NEED OUR HELP! Right now, we are producing more PPEs to benefit the following hospitals:
“PGH Lung Center, Heart Center, Amang Rodriguez Hospital, UERMC Orthopedic Center, San Juan Medical Center and with other hospitals next as the needs and means arise.”
“God bless you guys. Sa mga gusto pong tumulong,” mensahe pa ni Regine. Naniniwala ang misis ni Ogie Alcasid na sa maliit na tulong ng bawat isa ay marami na ang makikinabang.
Samantala, pinatunayan ni Regine ang galing sa “panghuhula” sa episode ng I Can See Your Voice kagabi sa ABS-CBN. Muling ipinalabas ang guesting ng Songbird sa ICSYV at in fairness, talagang tinutukan pa rin ito ng televiewers.
Kitang-kita na nag-enjoy nang bonggang-bongga si Regine sa pakikipagkulitan sa mga Sing-vestigators pati na sa host ng show na si Luis Manzano. Sabi nga niya, “Grabe! Wala akong ginawa kundi tumawa nang tumawa. Mamaya utot ako nang utot!”
Halos lahat ng Seen-tunado sa mga choices ay natanggal ni Regine hanggang sa mapili nga niya sa ending ang certified See-nger na si Russel Lim na nakapag-uwi ng P25,000.
At may pa-bonus pang duet si Regine at isa sa mga Sing-vestigators na si Angeline Quinto. Kaya kung gusto n’yong mag-enjoy lang at maki-jam sa kantahan at hulaan, patuloy na tumutok sa I Can See Your Voice tuwing Sabado ng gabi after Maalaala Mo Kaya.