MAHUSAY ang ginawa ng ABS-CBN na patuloy pa ring ilabas sa ere nang live ang morning celebrity talk show nila na “Magandang Buhay” via Zoom app.
Kahit paano ay naibsan ang pagka-miss at pagkabagot ng televiewers especially ng mga momshie sa bawat tahanan dahil nga sa pinaiiral na lockdown.
Sa unang live episode via Zoom ng “Magandang Buhay” pagbalik nila sa ere after ma-stop ang airing ng show dahil sa enahanced community quarantine, ang komedyanteng si Pokwang ang isa sa naging special guests nila.
Ayon kay Pokwang ay isang malaking pagsubok lamang ang ating nararanasan ngayon dahil sa panganib na dala ng coronavirus disease 2019.
“Para bang sinabi ni God na, ‘Mga anak, stop, stop muna.’ Can you imagine, nahinto lahat. Siguro nakikita Niya na masyado na tayong busy.
“It’s about time na ako naman muna. Ang daming nahinto, maging ang importanteng trabaho. It’s about time na pagsama-samahin natin ‘yung mga dasal natin para sa mga lumalaban sa virus na ito, especially ang frontliners natin.
“Ako nerbiyosa ko kaya, dasal ako nang dasal. Ngayon mas dumoble talaga hindi lang para sa sarili ko, sa pamilya ko kung hindi para sa lahat nang may pinagdaraanan ngayon, ng buong mundo. Dapat talaga kung madasalin na tayo pwede sana ay triplehin pa natin,” pahayag ni Pokwang.
Para sa aktres ay ito rin ang tamang panahon upang humingi ng kapatawaran sa kapwa ang isang taong mayroong pagkakasala.
“Sana hindi pa huli ang lahat. Sa pamilya natin, alamin natin kung ano ang pagkukulang natin sa isa’t isa. Magnilay-nilay tayo, magsabi ng ‘Sorry.’ Kung nahihirapan tayo na magsabi ng ‘I love you’, it’s about time, bumawi na tayo,” lahad pa ni Pokwang.
Anyway, tuluy-tuloy ang tsikahan with our momshies na sina Jolina Magdangal, Karla Estrada at Melai Cantiveros sa “Magandang Buhay”mula Lunes hanggang Biyernes ng umaga sa ABS-CBN.
Samantala, sa kabila ng pangba-bash ng ilang netizens, patuloy pa rin ang pagtulong ni Pokwang sa mga apektado ng COVID-19 crisis.
Pagkatapos mamigay ng food packs sa mga nawalan ng trabaho, kumasa rin ang komedyana sa pagse-set up ng central kitchen.
Pumayag siya na makipagtulungan kay Fr. Tito Caluag sa pagpapatayo ng central kitchen para mas mapadali ang pagpapakain sa mga kababayan nating nagugutom sa panahong ito ng krisis.
Sabi ni Fr. Caluag sa komedyana, “Mamang, game ka maging ‘central kitchen’ to cook meals for poor families? We will provide ingredients. Where are you located?”
“Game po ako kaya lang sa Antipolo po ako. Okay lang po?” sagot naman ni Pokey.