NADAGDAGAN ang mga international football tournaments kabilang ang isang regional competition na iho-host sana ng Pilipinas ngayong Mayo ang ipinagpaliban ng Asean Football Federation (AFF) bunga ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Inanunsyo ng AFF na ipagpapaliban na nito ang lahat ng mga kumpetisyon sa susunod na apat na buwan kabilang na ang AFF Women’s Championship na gaganapin sana ngayong Mayo hanggang Hunyo sa bansa.
Sinabi ng Philippine Football Federation (PFF) na magpapadala sana ito ng mga koponan sa AFF U18 Women’s Championship (Hunyo 2020), AFF U16 Boys’ Championship (Hulyo 2020) at AFF U19 Boys Championship (Agosto 2020). Ang mga nasabing torneo ay inurong na sa ibang araw ayon sa PFF.
Kabilang din sa ipinagpaliban ang 12-team Asean Club Championship kung saan ang Philippines Football League champion Ceres-Negros ay kasali. Ang torneo ay nareskedyul na sa susunod na taon.
Sinabi rin ng PFF na ang AFF Suzuki Cup, na nakatakdang ganapin sa Nobyembre, ay matutuloy kabilang na ang AFF U15 Girls’ Championship.