“NAKAKAKILABOT!” “Nakakaiyak!” “Nakaka-inspire!”
Yan ang ilan sa mga naramdaman ng madlang pipol matapos mapanood ang pagsasanib-pwersa ng mga Kapamilya at Kapuso artists para maghatid ng inspirasyon at pagmamahal sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Makapanindig-balahibo ang music video ng “We Heal As One,” na isang inspirational song kung saan nagsama-sama nga ang mga singers ng ABS-CBN at GMA 7 upang iparating sa buong mundo na walang makatatalo sa kapangyarihan ng bayanihan at sama-samang pagdarasal sa panahon ng krisis.
Ang nasabing kanta ay ang revised version ng theme song ng 2019 SEA Games titled “We Win As One,” composed by National Artist for Music Ryan Cayabyab, written by Floy Quintos.
Idinirek naman ni Frank Lloyd Mamaril ang nasabing inspirational video kung saan mapapanood nga ang ilan sa Kapuso at Kapamilya singers na hindi nagdamot ng panahon para mabuo ang “We Heal As One” MTV. Kinunan sila isa-isa mula sa kani-kanilang mga tahanan.
Ilan sa mga Kapamilya stars na nakilahok ay sina Sarah Geronimo, Gary Valenciano, KZ Tandingan, Ogie Alcasid, Iñigo Pascual, Jed Madela, Jamie Rivera, Martin Nievera, Bamboo, Apl.de.Ap at Lea Salonga.
Ang mga Kapuso stars naman na naki-join sa music video ay sina Alden Richards, Julie Anne San Jose, Mark Bautista, Rita Daniela, Aicelle Santos, Pops Fernandez, Paolo Valenciano, Ken Chan, Christian Bautista at Lani Misalucha.
Mapapanood din sa video ang mga mahuhusay na singers na sina Isay Alvarez, Menchu Lauchengco, Michael Williams, at Robert Seña.