ISA pang kongresista ang nagpositibo at isa naman ang nagnegatibo sa coronavirus disease 2019.
Sa mensaheng ipinadala ni House Secretary General Atty. Jose Luis Montales kinumpirma nito na nagpositibo si Bulacan Rep. Henry Villarica. Lumabas ang resulta kahapon.
Huli siyang pumasok sa Kamara de Representantes noong Marso 4.
Noong Marso 8 ay dumalo siya sa isang event nina Baliuag Mayor Ferdie Estrella na nauna ng nagpositibo sa COVID-19.
Siya ay ipinasok sa ospital noong Marso 18 dahil sa pneumonia.
“His condition is stable. Members of his staff have NOT exhibited any symptoms,” ani Montales.
Samantala, sinabi naman ni Montales na nagnegatibo ang confirmatory COVID-19 test ni Manila Teachers partylist Rep. Virgilio Lacson.
Lumabas sa initial screening na siya ay positibo sa COVID-19.
“The sample was brought to RITM for final testing and official confirmation. RITM has just relayed the result to Rep. Lacson,” ani Montales.
Nauna rito ay inamin ni ACT-CIS Rep. Eric Yap na siya ay nagpositibo sa COVID-19.
Lumabas umano ang resulta ng pagsusuri ng RITM, 10 araw mula ng kuhanan siya ng sample.