Ilang rules sa checkpoints na dapat mong malaman

DAHIL national emergency bunga ng Covid-19 at naglalayon na kontrolin ng pamahalaan ang pagkalat ng sakit na ito, ilang checkpoints ang inilagay ng PNP sa mga major roads para mapigil ang pagkalat ng tao at ng virus.

Subalit ang mga checkpoints na ito ay itinayo upang pigilan lamang ang movement ng tao at hindi upang manghuli o mag-detain ng mga tao.

Dahil dito, dapat alam natin ang gagawin kung tayo ay haharangin sa isang checkpoint.

Sa mga ordinaryong mamamayan, kung wala rin lang kayong importanteng gagawin asahan ninyong pipigilan talaga kayong lumabas o pumasok ng Metro Manila. Ganun din sa mga probinsiya ng Luzon kung saan ipinapatupad ang Enhance community quarantine.

Kapag umabot sa checkpoint at pinigil kayo, agad ipakita ang quarantine o travel pass kung meron kayo upang hindi na maabala.

Kung wala naman pero talagang importante ang lakad ninyo sa labas ng Metro Manila, mahinahon na ipaliwanag ito sa mga pulis sa checkpoint. Kung mayroon kayong mga dokumento na nagpapatunay ng inyong lakad ay ilabas at agad ipakita ito.

Kapag hindi kayo pinadaan, bumalik na lamang at makipagugnayan sa Barangay o City Hall ninyo upang makahingi kayo ng tulong doon.

Iwasan makipagtalo sa otoridad. Pagod na ang mga ito at naiinip na rin umuwi sa pamilya nila pero kailangan nilang magsilbi.

Tulad ng ibang checkpoints, hindi sila puwede pumasok sa sasakyan ninyo at lalong hindi sila puwede maghalungkat ng gamit sa loob ng kotse ninyo ng walang warrant.

Hindi din kayo dapat pababain ng sasakyan unless may nakita silang iligal “in plain view” tulad ng droga, alak, baril at iba pang ipinagbabawal na mga bagay.

Tanging mga cargo vehicles o mga saskyang may kargamento para sa pagkain, ospital at industriya ang diretsong pinadadaan sa mga checkpoints.

Kung balak niyo lang mag-excursion o magbakasyon, ipagpaliban muna at pinipigil natin ang pagkalat ng Covid-19 virus.

Tandaan, nakasalalay sa pagpigil sa galaw natin at paghinto ng kalat ng sakit na ito. Uulitin ko, sa sitwasyon natin ngayon, “the life you save may be your own.”

***

Para sa komento o suhestiyon sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.con

 

Read more...