Masyado na bang mahirap ang bansa?

DAHIL lang sa $75,000, nabigyan ng form of special investor’s resident visa (SIRV) ang isang Saudi national na tinaguriang terorista ng National Security Agency (NSA).

Si Fouzi Ali Bondagji, na napag-alaman ng intelligence community na kasamahan ng teroristang si Osama bin Laden, ay nakapasok muli sa bansa matapos maideport ilang taon na ang nakararaan.

Magkano lang ang $75,000? Ito’y P3.2 million sa current rate of P43.62 to a dollar.

Susmaryosep! Ganoon na ba ang paghihirap ng ating bansa na sa kakarampot na halaga ay ipagsasapalaran natin ang kaligtasan ng bayan?

Ang nagbigay ng SIRV ay ang Board of Investments (BOI).

Ano ba kayo diyan sa BOI?

Bakit di muna ninyo tinanong ang NSA at ang Bureau of Immigration bago ninyo inaprubahan ang visa ni Bondagji?

Wala ba kayong record ni Bondagji kung bakit siya ay idineport sa bansa?

Dapat ay iwasan ng Pangulong Noy ang mga kataga na magpapalala ng alitan ng atin bansa sa China na nag-ugat sa kung sino ang nagmamay-ari ng Scarborough Shoal at Spratlys.

Ang pagdating ng BRP Ramon Alcaraz, ang latest acquisition ng ating bansa sa mga gamit na itinapon na ng America, ay nagbigay na naman ng pagkakataon sa ating Pangulo na magbitiw ng mga di kanais-nais na mga salita.

Sabi ni P-Noy sa welcoming ceremonies sa Subic Bay Freeport para sa BRP Ramon Alcaraz, isang 3,250-ton former US Coast Guard ship:

“Now that the BRP Ramon Alcaraz is here, we’re certain that this would intensify the patrol of the Philippine Economic Zone, as well as our capabilitiy to overcome any threat from bad elements, respond to search and rescue operations and protect our resources.”

Sadya kong ini-highlight ang “to overcome any threat from bad elements” dahil ito’y provocative o naghahamon sa China.

Sukat ba namang tawagin ang China na “bad elements.”

Parang binubuhusan ni PNoy ng gasolina ang usok sanhi ng alitan ng Pilipinas at China.

Sana iwasan na ng Pangulo ang mga mapaghamong mga salita.

Aminin natin: Wala tayong laban sa China kapag nakipag-gera ito sa atin. Para tayong mga langgam na lumaban sa elepante.

Kung ang akala ninyo ay kakampihan tayo ng US kapag nakipaglaban tayo sa China, magisip-isip kayo ng ilang beses.

The US has a huge economic stake in China. Ganoon din ang China sa US.

Anong mahihita ni Uncle Sam kung kampihan ang dukhang pamangkin laban isang napakayaman na business partner?

Bakit mabilis yata ang pagbitiw ng salita ang Philippine National Police tungkol sa resulta sa imbestigasyon sa bombing sa Cotabato City?

Hindi raw gawa ng terorista ang pambobomba. Bakit hindi muna imbestigahan ng maigi bago magsalita?
Mabilis din ang pahayag ni Interior Secretary Mar Roxas na walang kinalaman ang mga Muslim rebels sa pambobomba sa Cagayan de Oro City.

Bakit di muna nagsagawa ng masusing imbestigasyon bago nagbigay ng pahayag na pinawawalang-sala agad ang mga Muslim extremists?

Read more...