Sey mo Koko sa hugot ni Marvin: Wag makasarili, kung ayaw tumulong wag magpahamak ng iba

MAY halong sama ng loob ang hugot ng actor-businessman na si Marvin Agustin patungkol sa mga taong nananamantala at walang pakialam sa kapwa sa gitna ng banta ng COVID-19 pandemic.

Hindi diretsong pinangalanan ni Marvin kung para kanino ang kanyang mensahe ngayong nagsasakripisyo ang lahat para mabilis na makontrol ang pagkalat ng COVID-19.

Pero ayon sa mga netizens, tamang-tama raw ito para kay Sen. Koko Pimentel na halos ipako ngayon sa krus ng mga tao dahil sa umano’y paglabag niya sa quarantine protocol bilang COVID-19 patient.

“WAG MAKASARILI! PERIOD! Kung ayaw tumulong, wag na magpahamak ng iba!” ang maikli ngunit tumatagos na pahayag ng aktor.

May panawagan din si Marvin sa lahat na maging maingat sa lahat ng gagawing aksyon ngayong nasa krisis ang buong bansa para masiguro ang magiging desisyon.

“In times of difficulty, that’s when true colors of people come out. Eto ang panahon na magdadasal ka na lang na sana maging tama ang bawat desisyon natin araw-araw.

“Mahaba pa to guys. Hindi normal ang panahon, kailangan ng matino at maayos na pagiisip,” aniya.

At kahit matagal-tagal pa ang eleksyon, nag-advice na rin si Marvin sa publiko na mas maging matalino pa sa pagpili ng iboboto next election.

“Maraming sakuna, patayan at delubyong nangyari sating Pilipino. Sana sa susunod na eleksyon, alalahanin natin na pag magulo ang sitwasyon ng bansa, ang mga pangalan na nilalgay natin sa balota, ang mga taong may kapangyarihang gawin ang nararapat para sa nakakarami. #Halalan2022,” mensahe pa ni Marvin.

Read more...