BINUKSAN ng Qatar ang pintuan para sa Pilipinas upang maging number one sa Group E nang kanilang talunin ang Chinese Taipei, 71-68, sa pagtatapos kagabi ng second round ng group eliminations sa 27th FIBA Asia Men’s Championship sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nalusutan ni Daoud Mosa ang depensa ng Taiwanese team tungo sa layup na bumasag sa huling table sa 68-all bago nagtala ng split free throw si naturalized forward Jarvis Hayes para magkasalo ngayon ang Qatar at Chinese Taipei sa unang puwesto sa 4-1 baraha.
Ang Pilipinas ay puwede pang gawing three-way tie ang liderato sa Group E kung manalo sa walang panalong Hong Kong sa kanilang laro kagabi.
Kung maganap ito, ang Gilas ang magiging number one sa grupo dahil kinailangan ng Qatar na manalo ng 16 puntos pataas sa Taipei para makuha ang number one seeding.
Pahinga ang laro ngayon upang mapaghandaan ng walong palabang koponan ang knockout game sa quarterfinals bukas.
Tuluyang tinapos ng Kazakhstan ang di magandang ipinakikita sa Group F nang lasapin ang 85-53 pagkatalo sa Iran upang tapusin ang labanan sa 2-3 baraha.
Samantala, nakahabol pa ang Jordan sa mga umabante sa quarterfinals matapos ang 65-56 panalo sa Japan. Tinapos ng koponang pumangalawa sa China noong 2011 sa Wuhan, China, ang laban bitbit ang 2-3 baraha habang ang Japan ay namaalam sa 1-4 karta.
Ipinalabas naman ng MOA Arena ang bagong presyo ng mga tickets para sa quarterfinals, semifinals at finals na mapapanood sa Biyernes, Sabado at Linggo.
Ang VIP seat sa quarterfinals ay magkakahalaga ng P3,800, nasa P4,500 ang presyo sa semis habang P5,300 ang halaga sa finals.
Ang Patron A ay magkakahalaga ng P2,300, P2,800 at P3,300; ang Patron B ay P2,000, P2,500 at P3,000; ang Lower A ay P1,500, P2,000 at P2,500; ang Lower B ay P1,000, P1,500 at P2,000; ang Upper Box ay P300, P300 at P350 habang ang General Admission ay nasa P150 sa lahat ng yugto ng labanan.