“MORTAL sin” para kay Angel Locsin ang ginawa niyang pagkampanya noong Eleksyon 2007 kay Sen. Koko Pimentel.
Tila diring-diri ang aktres sa naging desisyon niya noong suportahan ang kandidatura ng senador na dating asawa ng kanyang pinsan.
Hindi basta nangangampanya ng politiko si Angel dahil ayaw niyang sayangi ang boto niya para sa taong hindi naman karapat-dapat. Bukod dito ay hindi rin kasi nagpapabayad ang aktres sa pagsuporta niya sa isang kandidato.
At dahil laman ng balita ngayon si Sen. Koko dahil alam na niyang positibo siya sa COVID-19 ay nagawa pa niyang lumakad-lakad sa hallway ng Makati Medical Center nang samahan ang asawang si Kathryn Yu-Pimentel sa ospital dahil nakatakda na itong manganak.
Isang netizen ang nagtanong kay Angel sa Twitter tungkol kay Sen. Koko kasabay ng paglabas ng throwback photo nila ng senador na kuha bago ang 2007 elections.
“Do you regret that you campaigned for him then in a TV ad? Voted for him because of you?” tweet ng isa niyang follower.
Sagot ng aktres, “Yes. Super. Mortal sin. Patawarin niyo po ako bilang ex-husband siya ng pinsan ko.”
Reaksyon naman niya sa lumang litrato nila ng senador, “Eww.”
Kinlaro rin ng aktres na isang beses lang niyang sinuportahan ang senador at hindi na naulit pa.
Samantala, mas lalong na-bad trip ang aktres nang nalaman niyang wala pang balak gawin ang gobyerno sa paglabag ng senador sa quarantine protocol.
Ni-repost ng aktres ang news article na nagsasabing hindi umano iimbestigahan ng Department of Justice si Sen. Koko hangga’t wala pa silang natatanggap na formal complaint mula sa MakatiMed.
Banat ni Angel, “Calling @catarambulo_com where are youuu?”
Kung matatandaan, si Cat Arambulo ang lifestyle blogger na binanatan ng publiko dahil tila wala raw itong pakialam sa mga Pinoy na nawalan ng trabaho. Nag-viral kasi ang kanyang video kung saan tinawag niyang “motherfuc***ers” ang mga residenteng matitigas ang ulo na lumalabas pa rin ng bahay kahit ipinatutupad na ang lockdown.