PAYAG ba kayong maging magdyowa sina Pasig City Mayor Vico Sotto at beauty queen-actress Isabelle de Leon?
Marami kasing netizens ang nanunukso ngayon sa dalawa matapos kumalat ang kanilang litrato together sa social media.
Nag-post si Isabelle sa kanyang Instagram ng photo nila ng alkalde habang umaani ng papuri ang binata dahil sa mga ginagawa niyang aksyon sa Pasig para labanan ang COVID-19 pandemic.
Caption ng dalaga sa kanyang IG post, “Saludo po kami sa inyong buong pusong paninilbihan sa bayan.”
Dugtong pa niya, “Isa kayong inspirasyon! Mabuhay kayo mayor @vicosotto!”
Maraming followers si Isabelle na nagsabing bagay sila ni Vico dahil feel na feel nila ang chemistry kahit sa picture pa lang.
Bukod dito, pwedeng-pwede raw silang maging magdyowa dahil pareho silang single.
“Bagay si Vico at Isabel. Pogi at single si Vico, si Isabel mganda at single kaya match na match yan,” komento ng isang netizen.
“Kayo na lang po,” pahayag ng isa pang nag-comment.
Sey naman ng ilang fans ni Isabelle, sana raw ay makita ni Vico ang mga message nila para magkaroon ito ng idea tungkol sa panunukso sa kanila ng netizens. Mas maganda raw kung mabubuo ang kanilang love story sa gitna ng COVID-19 crisis para mas historical.
Pero may nagbiro naman na hindi raw pwedeng maging magdyowa sina Vico at Isabelle dahil “magkapatid” sila. Nagets naman agad ito ng ilang fans ng aktres.
“Duday, paalala ko lang, kapatid mo yan,” sey ng netizen.
Kung matatandaan, nakilala nang publiko si Isabelle bilang child star noong gampanan niya ang role na Duday, ang isa sa mga anak ng karakter ni Vic Sotto sa Kapuso comedy series na Daddy Di Do Du.