PERSONAL na ipinamahagi ng Kapamilya hunk actor na si Gerald Anderson ang dalang donasyon para sa mga COVID-19 frontliners.
Kahapon, nagtungo ang team ni Gerald sa North Luzon Expressway checkpoint para ipamigay ang inihanda nilang packed meals at tubig sa mga sundalo na naroon.
Nakipagtulungan ang binata sa Armed Forces of the Philippines para gabayan sila sa pamimigay ng pagkain sa mga sundalong nagbabantay ng seguridad sa North Luzon Expressway habang ipinatutupad ang lockdown sa buong Luzon dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Nag-post si Gerald ng litrato sa Instagram kung saan makikita ang pakikipag-usap niya sa ilang sundalo. Nilagyan niya ito ng caption na, “Salamat mga sir. Salute to all the frontliners.”
Inaasahan na masusundan pa ang ginagawang pagtulong ni Gerald sa mga frontliners sa mga susunod na araw, pati na rin sa mga kapuspalad nating mga kababayan na nawalan ng trabaho.
Isa lamang si Gerald sa mga artistang walang sawang tumutulong sa mga ngangailangan sa oras ng trahedya at krisis. Hiling ng mga netizens na sana’y mas marami pang mayayamang celebrities ang mag-donate para makatulong sa naapektuhan ng lockdown.
Habang sinisulat ang balitang ito, umabot na sa mahigit 500 ang confirmed COVID-19 cases.