UMIIYAK din ang mga musikero at stand up comedians sa mga comedy bar dahil mahigit isang linggo na rin silang nganga sa trabaho.
Ang bayaran kasi sa mga musician ay per session o kapag meron silang tugtog (gig).
Binabayaran sila pagkatapos ng kanilang set sa isang bar o music venue. Ganu’n din ang mga stand up comedian na tumatanggap ng talent fee per night sa pinagtatanghalang comedy bar.
Hindi man sila kasingrami gaya ng mga driver, construction worker at iba pang no work, no pay employees, nangangailan din sila ng ayuda para may pantawid-buhay sa araw-araw.
Kaya ang aming panawagan, bigyan din sana sila ng pansin ng pamahalaan dahil may mga pamilya ring umaasa sa kanila na siguradong magugutom kapag naubusan na rin sila ng panggastos.
Sana’y maabutan din sila ng tulong ng mga celebrities na nagpa-fundraising para sa mga nawalan ng work tulad nina Maine Mendoza, Angel Locsin, Bela Padilla at iba pa.
Samantala, tinaranta naman ng isang award-winning actress ang ilang members ng entertainment press sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.
“Elimination process” ang ginawa ng ilang reporter para madiskubre kung sino ang nasabing aktres na ayaw magpasabi ng pangalan sa ibinibigay na tulong sa mga kaibigan niya sa media.
At this point in time, wala ring showbiz activities kaya para-paraan ang ibang members ng press para makakuha kahit paano ng pantustos sa araw-araw na gastos.
Stop shooting, stop taping ngayon ang mundo ng showbiz. Tigil din ang promotions ng mga natapos nang projects. Pati nga ibang diyaryo ay tigil na rin sa imprenta dahil wala ng mga delivery boys na maghahatid at magbebenta ng diyaryo.
So, lahat ng tulong na ibibigay ay most welcome sa showbiz press.
Hindi rin namin ibabandera ang pangalan ni award-winning actress. Pero ang tanong, bakit kaya walang award-winning actor na lumulutang para magbigay ng tulong sa mga friends niya sa media? Ha-hahaha!