“HUWAG na huwag magsisinungaling!”
Yan ang mensaheng nais iparating ng Asia’s Multimedia Star na si Alden Richards sa publiko para maiwasan at makontrol ang pagdami pa ng COVID-19 cases sa bansa.
Nakikiisa si Alden sa panawagan ng
Department of Health at ng mga frontliners na sabihin ang buong katotohanan tungkol sa kanilang travel at medical history sa mga doktor sa patuloy na pakikipaglaban ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.
Sa pamamagitan ng isang video, nagbigay ng public service announcement si Alden sa kanyang Instagram account kung saan pinaalalahanan niya ang bawat Filipino na bawat impormasyon tungkol sa ating kalusugan ay mahalagang ipaalam sa mga health workers.
“Hinihikayat po tayo ng Department of Health na sana po maging totoo po tayo, maging honest po tayo sa mga tanong, question, at requirements po para malaman natin kung positibo ba tayo o hindi sa COVID-19.
“Please disclose every travel history, exposure to the virus, kung meron man po kayong nakahalubilo o nakasalamuha na merong sakit, na merong COVID-19.
“Sana po ay ipagbigay-alam po natin ito agad sa mga kinauukulan. Kasi hindi lang po buhay ninyo ang maaaring mailigtas, makakapagligtas pa po kayo ng maraming kababayan natin,” mensahe ni Alden.
Bukod kay Alden, ilang celebrities din ang nanawagan sa sambayanan na maging honest sa tunay na estado ng ating kalusugan para mas mapadali ang pagsugpo sa COVID-19, kabilang na riyan ang Descendants Of The Sun stars na sina Dingdong Dantes at Rocco Nacino.
Ito’y bilang pakikiisa na rin sa pakiusap ng mga doktor, nurse at iba pang health care workers na nalalagay sa peligro ang buhay dahil sa mga maling impormasyon na nakukuha nila mula sa mga pasyenteng positibo pala sa virus.