SA panahon ng krisis, dapat tayong magtulungan. Hindi dapat pairalin ang pagiging madamot, at ‘yan ang ipinapakita ng ABS-CBN sa pagtrato nila sa kanilang mga empleyado para sa serbisyong ibinibigay nila sa publiko.
Kahit nga matindi ang panganib na dala ng COVID-19, tuloy-tuloy pa rin pagbabalita ng ABS-CBN News at kung saan-saan pa rin nakakaabot ang reporters nila makapaghatid lang ng balita sa radyo at TV.
Kaya naman ganoon na lang kung suklian ng network ang kanilang masisipag na empleyado dahil libre ang kanilang pagkain sa buong araw, hatid-sundo sila ng shuttle services at may pabahay pa sa kanila.
Nakakaiyak daw para sa news reporter na si Zandro Ochona ang pag-aalaga sa kanila ng ABS-CBN. Sa kabila ng panganib, dama raw talaga na kapamilya ang turing sa kanya ng network.
“Sa ABS-CBN, libre na breakfast, lunch, dinner, at merienda. May quarters na rin so we can sleep sa office. May shower din naman so we can take a bath there. May shuttle din para masundo kami from a place to ABS-CBN. May option na rin kami to work from home kahit reporters kami,” sabi niya sa kanyang Facebook.
Agree rin sa kanya ang cameraman na si Val Cuenca, dahil bukod daw sa libreng pagkain, binigyan pa sila ng mamahaling burger. Dagdag pa diyan ang patuloy nilang pagpapasweldo sa mga empleyado nila kahit walang pasok.
Kaya sa mga bumabatikos sa ABS-CBN, gawin niyo sana itong basahin kapag pinag-usapan na sa Kongreso ang prangkisa nito. Isa lang ang network sa kakaunting nagpapakita ng malasakit sa kanilang empleyado ngayong panahon ng krisis.