Matapos maglabas ng pag-alinlangan ang ilang bansa patungkol sa paglahok nito sa 2020 Olympic Games na nakatakdang magbukas sa Hulyo 24 ay nagsalita na ang mga atleta at ilang miyembro ng International Olympic Committee (IOC).
Ang kanilang mungkahi ay huwag na munang ituloy ang Olympics sa Hulyo.
Nauna na kasing inilahad ng mga lider ng Japan, kabilang na si Prime Minister Shinzo Abe, na walang makapagpapigil — maging ang COVID-19 — sa pagbubukas ng mga laro sa Hulyo.
At bagaman hindi pa bumibigay ang Japan ay mukhang hindi nga matutuloy ang Olympic Games sa Hulyo.
Ang katanungan na lamang ngayon ay kung tuluyan na ba itong kakanselahin o iuurong lamang sa taong 2021.
“In the balance of probabilities, the information known about conditions in Japan and the COVID-19’s effect on the rest of world clearly indicates the likelihood of postponement,” sabi ng isang miyembro ng IOC na si Craig Reedie said. “The length of postponement is the major challenge for the IOC.”
Sinabi rin ng isa pang IOC member na si Dick Pound sa panayam ng USA Today na hindi matutuloy ang Olympics sa taong ito.
Maging si Philippine Olympic Committee (POC) president Bambol Tolentino ay pabor na iurong ang mga laro ng isang taon.
“It’s better to postpone the Tokyo 2020 Olympics rather than cancelation so as not to lose our (the Philippines’) chance for our first gold medal—or even more golds,” sabi ni Tolentino sa isang statement.
“A postponement would mean more time to train for those who have already qualified and for those who are still trying to qualify. A 2021 schedule is ideal enough.”
Inabisuhan naman ng POC ang lahat ng mga atleta, coaches at sports officials na manatili sa loob ng kani-kanilang tahanan at tumugon sa alituntunin ng pamahalaan.
Noong Lunes, sinabi ng mga sports leaders ng Canada at Australia na hindi sila magpapadala ng atleta sa Tokyo kapag ang Olympic Games ay itinuloy sa Hulyo.