Pandi, Bulacan nakaisip ng epektibong paraan sa pamimigay ng relief goods

KILALANG-KILALA namin ang kabutihan ng puso sa pagseserbisyo ni Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan. Wala pa man sa kanyang plano ang pagiging lingkod-bayan, negosyante pa lang siya nu’n, ay kapang-kapa na namin ang kagandahan ng kanyang puso.

Nasaksihan namin ang pagsisimula ng kanyang karera bilang tagapamuno ng bayang mahal na mahal niya, ikatlong termino na niya ngayon, nasa puso niya ang pagmamahal at pagmamalasakit sa mga Pandieno.

Ngayong maraming nasasakupan niya ang apektado ng enhanced community quarantine ay mabilisan siyang umaksiyon para sa kaligtasan ng mga taga-Pandi.

Galing siya sa hirap, alam ni Mayor Enrico ang damdamin ng mga kapos sa buhay, kaya inaksiyunan niya agad ang pamumuhay ng kanyang mga nasasakupan.

Isa-isa na nilang iniikutan ang mga barangay ng Pandi, naghahandog sila ng pagkain para sa mga pamilyang matinding apektado, lalo na ang mga manggagawang hindi makapagtrabaho sa labas ng bayan dahil sa lockdown.

At bilang pag-iingat sa mikrobyo ay napakamakabuluhan ang naisipan ni Mayor Enrico at ng kanyang mga konsehal para sa pamamahagi ng biyaya.

Walang direktang contact ang mga pamilyang binibigyan nila ng pagkain sa mga namamahagi, naglalabas ng silya sa labas ng kanilang mga tahanan ang mga Pandieno, kung ilan ang miyembro ng pamilya ay ‘yun din ang bilang ng mga silyang pagpapatungan ng pagkain.

“Ingat na ingat po kami sa mga hakbang na ginagawa namin. Gusto naming maisip ng mga kababayan namin na hindi lang biyaya ang mahalaga para sa amin, kundi lalo’t higit ang kanilang kaligtasan sa virus,” pahayag ng magiting na mayor.

Isang mahigpit na yakap ng pagbati kay Mayor Enrico Roque na mula nu’n hanggang ngayon ay hindi pinagbabago ng kapangyarihan ang kabutihan ng puso.

Read more...