RAMDAM na ramdam ngayon ng Kapuso stars na sina Barbie Forteza at Kate Valdez ang epekto ng COVID-19 pandemic sa mundo ng showbiz.
Natigil din ang taping ng teleserye nilang Anak Ni Waray Vs Anak Ni Biday sa GKA 7 dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa bansa. Stay at home din ang dalawang aktres habang suspended ang lahat ng produksiyon.
Ayon kay Barbie, napakalakas ng naging impact ng COVID-19 sa entertainment industry dahil hindi lang ang mga artista ang natigil sa trabaho kundi pati ang production people. Kaya ang dasal niya, sana’y matapos na ang krisis na ito sa lalong madaling panahon.
Sa pamamagitan ng online interview, sinagot nina Barbie at Kate ang ilang tanong patungkol sa kalagayan nila ngayong tigil muna ang kanilang taping para sa Anak Ni Waray Vs Anak Ni Biday at sa iba pang programa.
Paano kayo naapektuhan ng COVID-19 crisis?
“Hindi po muna kami nagte-taping, as in suspended lahat ng work. Mula din po noong ipatupad ang one-month community quarantine, hindi na ako umaalis ng bahay. Napakalaki po talaga ng impact ng COVID-19. Lahat tigil, lahat cancelled,” pahayag ni Barbie.
Sabi naman ni Kate, “Nu’ng una po, talagang nakakapanibago pero nasasanay na rin unti-unti. We have to follow the rules kasi para sa ating lahat din naman ito.
“Ngayon po mas naging aware ako sa mga nangyayari sa bansa natin dahil sa mga news lalo na sa social media. But I must admit, kinakabahan din po, natatakot kaya madalas nag-aalcohol talaga kami para maging safe,” dagdag ng dalaga.
Bukod sa alcohol, ano pa ang precautionary measures na sinusunod n’yo to protect yourself?
“Isa sa mga pinakaimportante ay ang pagsusuot ng face mask. Palaging maghugas ng kamay at kahit artista ako, bawas muna sa beso at pa-picture. Kaway-kaway na lang muna,” ani Barbie.
Sey naman ni Kate, “Iwas munang makibeso-beso, no shake hands din. Kumakain ng masusustansiyang pagkain at more water and juices na may Vitamin C. Exercise rin and workout kahit nasa bahay. And of course, dasal lang always.”
Para sa inyo, ano ang epekto ng COVID-19 scare sa telebisyon at sa mundo ng pelikula?
Sagot ni Barbie, “Para po sa akin, nakakalungkot kasi maraming nawalan ng work, lalo na yung sa production kasi nga walang taping at shooting. Wala na ring big events. Mababawasan din ang mga pelikulang makakasali sa international film festivals at mga taong makakapanood nito.
“Tapos hindi pa natin sure kung matatapos ang quarantine after a month. Pero sana nga, mas mapabilis ang pagsugpo sa virus para bumalik na sa normal ang lahat. Basta magdasal lang po tayo.”
Para naman kay Kate, “Kung iisipin natin maikli lang ang one month, pero siguradong napakalaki ng effect nito sa bawat worker sa entertainment industry. Imagine, isang buwan walang taping? But the important thing here is, yung safe tayo, healthy tayo para kapag natapos na ang crisis, we can start anew.”
Samantala, para naman sa leading man nina Barbie at Kate sa seryeng Anak Ni Waray Vs Anak Ni Biday na si Migo Adecer, mas tingnan na lang natin ang positive effect ng COVID-19 para iwas-depresyon at kalungkutan.
“It actually gave me more day offs allowing me to recuperate from the heavy taping days we have! Plus I can get back to working out,” sey ni Migo.
May tips din ang Kapuso hunk sa publiko para maprotektahan ang kalusugan, “Always sanitize, always keep a safe distance from your co-workers and the most important one, pray! Mas malakas pa rin ang powers ng dasal.”