MALAWAKAN lang ang sakop ng mapamuksang COVID-19, pangdaigdigan ang paglaganap ng mikrobyo, pero kung tutuusin ay una nang tinamaan ng paghamon ang ABS-CBN dahil sa kanilang franchise renewal.
Balot na balot din ng takot ang kanilang mga empleyadong may posibilidad na mawalan ng trabaho kapag ipinasarado ang istasyon.
Paano na nga naman ang kanilang pamilya, maipaliliwanag ba nila sa kanilang mga anak na saka na muna sila kakain, walang batas ang sikmurang gutom.
Patuloy ang kanilang pakikipaglaban, hindi sila nawawalan ng pag-asang isang araw ay mapipirmahan na rin ang kanilang kalayaang makapagsahimpapawid muli, hindi pa tapos ang laban.
Pero sa kabila nang matinding problemang hinaharap ngayon ng ABS-CBN ay nabuo pa nila ang isang proyektong naglalayong makatulong sa mga kababayan nating matinding apektado ng enhanced community quarantine.
Nagbuo sila ng isang konsiyertong pinagbibidahan ng kanilang mga singers at artista, ang “Tawid Ng Pagmamahal,” nasa kani-kanilang mga tahanan lang ang mga performers.
Matagumpay ang concert, malaki lang ang kaibahan dahil humarap sa mga camera ang mga nag-perform nang walang make-up, hindi bihis na bihis.
Hindi namin hiniwalayan ng tingin ang mag-asawang Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo sa kanilang emosyonal na duweto.
Ramdam na ramdam ang kanilang pagmamahalan, mabuti na lang at mas nauna ang kanilang pagpapakasal nang lihim bago ang lockdown, napakahirap para sa kanila ang ganitong panahon na hindi sila makalalabas man lang ng bahay para sa kanilang pagkikita.
Kunsabagay, wala pang virus ay para na rin silang sumailalim sa lockdown, hirap na hirap silang magkaroon ng sariling oras dahil sa pagbabantay ni Mommy Divine.
Siguro nga ay kantahan nang kantahan sina Matteo at Sarah ngayong mga panahong ito. Sa kanilang duet kasi ay kapansin-pansin na magaling nang kumanta si mister, tinuturuan siguro siya ni misis na napakagaling na singer, kaya nakasasabay na siya.