P3B mawawalang kita sa PCSO

AABOT sa P3 bilyon ang mawawalang kita sa Philippine Charity Sweepstakes Office sa ipinatutupad na isang buwang enhanced community quarantine sa Luzon.

Pero tiniyak ni PCSO general manager Royina Garma na mayroong pondo ang ahensya para sa matulungan ang mga mahihirap na pasyente.

“Rest assured po na may pondo pa ang PCSO para po makatulong pa rin tayo sa mga nangangailangan sa medical na aspeto po,” ani Garma sa press briefing ng Laging Handa.

 Mayroon umanong nakalaan na P1 milyon araw-araw para sa Lung Center of the Philippines, P400,000 sa Philippine Children’s Medical Center, P1.5 milyon sa Philippine General Hospital, P500,000 sa Philippine Heart Center at tig-P400,000 sa Rizal Medical Center at Taguig-Pateros District Hospital.

Ang mga nabanggit na pondo ay nasa Malasakit Center ng naturang mga ospital.

Mayroon pa rin umanong kita na pumapasok sa PCSO mula sa Small Town Lottery sa Visayas at Mindanao pero hindi niya nabanggit kung magkano ito.

Sinuspinde ng PCSO ang lotto, digit, keno at STL sa Luzon alinsunod sa ECQ na ipinatupad ng Malacanang.

Read more...