APAT na ospital ang makikinabang sa donasyon na ibinigay ng Phenomenal Box-office Star na si Vice Ganda para sa mga frontliners at medical staff na patuloy na nagseserbisyo sa bayan kontra COVID-19.
Kahun-kahong personal protective equipment (PPE), alcohol at disinfectants ang ipinamigay ni Vice sa ilang ospital sa Metro Manila.
Ipinost ng TV host-comedian ang mga litrato ng kanyang donasyon na ibibigay sa apat na ospital, kabilang na riyan ang N95 masks, medical disposable gloves, safety goggles, alcohol qt disinfectant sprays.
Nakatakda itong dalhin sa Lung Center of the Philippines, Quezon City General Hospital, at Philippine Children Medical Center sa Quezon City at San Lazaro Hospital sa Sta. Cruz, Manila.
Marahil ito ang tugon ni Vice sa panawagan ng ilang ospital na mabigyan sila ng karagdagang supply ng PPE para sa medical at health workers.
Caption ni Vice sa kanyang IG post, “MARAMING MARAMING SALAMAT PO SA LHAT NG MGA FRONTLINERS PARA SA PAGMAMAHAL AT PAGKALINGA NINYO SA MGA MADLANG PEOPLE!!!
“MABUHAY PO KAYO! PAGPALAIN NG DIYOS ANG INYONG KABAYANIHAN.”
Samantala, hindi pinalampas ni Vice ang negatibong komento ng ilang bashers patungkol sa pagtulong ng mga artista sa mga kababayan nating apektado sa ipinatutupad na enhanced community quarantine, lalo na yung mga nawalan ng trabaho.
Bwelta sa kanila ni Vice, “Wag nyo na po kaming pagka abalahan.
“Wag nyo na pong problemahin kung paano kami tumutulong.
“Ang isipin nyo na lng po ay kung paano kayo makakatulong.
“God bless you po. Pls be safe.”