PANGUNGUNAHAN ng tubong La Trinidad, Benguet na si Alieson Ken Omengan ang laban ng 15 Pinoy sa 7th Asian Junior Wushu Championship na magsisimula sa Huwebes, Agosto 8, sa Makati Coliseum, Makati City.
Hanap ng nag-oorganisang Wushu Federation Philippines (WFP) ang makahakot ng hindi bababa sa pitong ginto sa dalawang events — taolo (form) at sanshou (contact) — sa apat na araw na kompetisyon na lalahukan ng 23 bansa.
“We hope to win seven gold medals to bring our total gold medals won in different international tournaments to 100 gold medals. Our athletes are prepared and we are confident we will achieve our goal,” wika ni WFP secretary-general at POC treasurer Julian Camacho nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Nakasama ni Camacho sa lingguhang forum sina deputy secretary-general Red Dumuk at movie actress Bea Binene na hinirang ng WFP bilang Ambassadress ng Philippine Wushu.
“Very confident po ako. Ramdam ko ang hirap ng kanilang pagsa-sanay lalo na kung may pinaghahandaan na international tournaments kaya alam kong maku-kuha nila ang target na gold medals,” pahayag ng 15-anyos na si Binene na tatlong taon nang nag-lalaro ng wushu.
Si Omengan ay nanalo ng ginto sa 4th World Junior Wushu Championships sa Macau, China noong nakaraang Setyembre. Pasok siya sa nasabing event bukod pa sa nanquan at nandao.
Ang iba pang aasahan ng medalya ay sina Faith Liana Andaya at sanshou artist Noel Alibata na humakot ng pilak at bronze medals sa world event.
Ang iba pang miyembro ng Philippine team ay sina Dave Degala, Agathan Chrystenzen Wong, Vanessa Jo Chan, Joel Casem, Kimberly Macuha, Christian Nicholas Lapitan at Johnzenth Gajo ang mga pambato sa taolo habang sina Thommy Aligaga, Clemente Tabugara Jr., James Daquil sa kalalakihan at Vivine Wally at Vita Zamora sa kababaihan ang iba pang palaban sa sanshou.
Ang iba pang bansa na kasali sa torneyo ay China, Afghanistan, Brunei, Hong Kong, India, Indonesia, Iran, Iraq, Japan, Kazakhstan, Korea, Kuwait, Kyrgyzstan, Macau, Malaysai, Myanmar, Singapore, Sri Lanka, Taipei, Turkmenistan, Uzbekistan, Vietnam at Nepal.